Tone-toneladang patay ng mga isda ang lumutang sa bahagi ng Manila Bay sa Baseco Compound sa Tondo, Maynila. (Kuha ni JHUNE MABANAG)
DUDA ang Malacañang na may “kakaiba” sa napaulat na pagkamatay ng mga isda sa isang bahagi ng Manila Bay, na sumakto sa isinasagawang rehabilitasyon at pagpapaganda sa naturang lugar.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, kasama kasi na nakitang palutang-lutang sa Manila Bay ang patay na tilapia kahit hindi ito puwedeng mabuhay sa tubig-alat.
“Well, hindi ko po alam kung mayroon ngang sabotahe, pinag-aaralan pa po iyan. Pero nakapagtataka nga,” lahad ni Roque.
“Bakit ang tilapia, freshwater fish iyon, nakarating sa Manila Bay? Parang imposible naman iyon ‘no dahil hindi po mabubuhay ang tilapia sa saltwater,” giit niya.
Matatandaan nitong Huwebes, kumalat ang mga larawan ng mga patay na isda na naglutangan sa bahagi ng Manila Bay malapit sa Baseco Compound.
Hinala naman ng ilang netizen na ito ay dahil sa rehabilitation project ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) magmula nang tambakan nito ng dinurog na domolite ang baybayin ng Manila Bay upang makalikha ng “white beach.”
Subalit ayon sa DENR na imposibleng ang artificial white sand sa Manila Bay ang dahilang ng pagkamatay ng mga isda.
Nagtataka si DENR Undersecretary Benny Antiporda kung papaano nangyari ang fish kills gayung malayo ito sa dolomite project.
“So ingat-ingat lang po tayo sa panahon ngayon desperado po ang kalaban ng gobyerno, lahat po ginagawa para siraan si Presidente Duterte. At nagpapasalamat po kami kahit anong sabihin nila, kahit anong gawin nila, nagtitiwala pa rin po ang sambayanang Pilipino kay Presidente Duterte,” ani ni Roque.
More Stories
LEO FRANCIS MARCOS, INATRAS KANDIDATURA
Galvez sa MILF: Magsagawa ng imbestigasyon… 4 PATAY KABILANG ANG 2 SUNDALO, 12 IBA PA SUGATAN SA PANANAMBANG SA BASILAN
CIDG ‘KOLEKTONG ISYU’ MATULDUKAN NA KAYA?