
MANILA — Binatikos ng Malacañang sina Senator Ronald “Bato” dela Rosa at Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte nitong Lunes matapos ibahagi sa social media ang isang AI-generated video na nagpapakita ng dalawang estudyanteng lalaki na nagsasalita laban sa impeachment kay Vice President Sara Duterte.
Bagama’t may hashtag na #AI, maraming netizen ang naniwalang totoong tao ang mga nasa video — kabilang si dela Rosa, na ni-repost ito sa kanyang social media at agad binatikos ng publiko.
Sa isang press briefing, mariing kinondena ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro ang hakbang ng dalawang opisyal, at tinawag itong “iresponsable” at nakasisira sa tiwala ng publiko.
“Ang pagsha-share ng mga katulad niyan — muli, disinformation, fake news — hindi po sana nanggagaling sa mga opisyal ng pamahalaan,” ani Castro.
“Nakakaduda, mas nakakawala ng tiwala kung mismong sa matataas na opisyal nanggagaling ang mga disinformation at fake news,” dagdag pa niya.
Ayon kay Castro, agad namang na-debunk ng publiko ang video, na patunay umano na mulat ang marami sa banta ng pekeng impormasyon.
“Mabuti po at ito ay nacorrect at napansin ng ating mga kababayan. Kahit ang PCO at ang buong pamahalaan ay patuloy na lumalaban sa fake news. Pero mas magiging epektibo ito kung may kooperasyon ang lahat,” aniya.
Hinimok din niya sina Bato at Baste na umamin sa pagkakamali at maging responsable sa kanilang mga kilos.
“Dapat lamang nilang i-acknowledge na ang pinasa nilang video ay hindi totoo at hindi tunay,” ani Castro.
“Responsibilidad nila ito. Dahil ang bawat salita na binibitawan nila sa taumbayan — lider sila — yaan ay totoo sa pandinig at pananaw ng bawat isa. So dapat maging responsable sa anumang shine-share nila sa taumbayan.”
Wala pang tugon mula kina Senator dela Rosa at Mayor Duterte ukol sa panawagang magpaliwanag at humingi ng accountability. Samantala, nanindigan ang Malacañang na paiigtingin pa ang kampanya kontra sa disinformation, lalo na sa hanay ng mga opisyal ng pamahalaan.
More Stories
SCHOOL SA QC, SIKSIKAN AT MAINIT SA UNANG ARAW NG PASUKAN
P2.3-M SHABU NASAMSAM SA 3 HVI DRUG SUSPEK SA BATANGAS
Taxpayers nanawagan ng imbestigasyon sa umano’y P680-M anomalya sa rice procurement ng MILG-BARMM