Kuha mula sa Police Big Brother
NAARESTO ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Pakistani-Japanese national na matagal nang nagtatago sa batas kaugnay sa pagpatay sa isang lalaki sa Pakistan apat na taon na ang nakalilipas.
Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, kinilala ang pugante na si Muhammad Sattar Yamamoto, 53, na nadakip sa isang convenience store sa Brgy. Muzon, Taytay, Rizal sa isinagawang joint operation na pinangunahan ni BI Fugitive Search Unit’s (FSU) Head Bobby Raquepo at mga operatiba ng Batangas Provincial Police Office
Nag-isyu si Morente ng isang mission order para sa pag-aresto kay Yamamoto sa kahilingan ng pamahalaang Pakistan na nais na siya ay ipatapon upang harapin ang alegasyon laban sa kanya hinggil sa pagpatay sa isang Pakistani na nagngangalang Arsian Younis.
Batay sa record ng mga awtoridad sa Pakistan, naganap ang insidente sa pagpatay noong Marso 27, 2016 makaraang mabaril umano ni Yamamoto kasama ang anim pa na armadong kalalakihan ang biktima dahil sa away negosyo.
“Being a fugitive who is wanted for a heinous crime, he will be deported for posing a risk to our public safety and security,” ani Morente.
Dagdag pa ni Morente, inisyuhan umano ng “red notice” si Yamamoto ng Interpol noong Set. 2016.
Napag-alaman na noong Hunyo 22 sa kaparehong taon ay inisyuhan si Yamamoto ng warrant of arrest ng court magistrate sa Sheikhupura, Pakistan.
Inakusahan na din umano si Yamamoto ng kasong “acts of lasciviousness” base sa reklamo na isinampa sa Batangas provincial police laban dito.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Regional Headquarters ng Philippine National Police si Yamamoto at hinihintay ang resulta sa isinagawang COVID-19 testing dito. Sakaling negatibo ang resulta nito sa virus ay dadalhin na ito sa BI Warden Facility sa Taguig City habang isinasagawa ang deportation proceedings nito.
More Stories
Para sa kabataan, Sexuality Education suportado ng DepEd
Cotabato City mayor, 4 iba pa, kinasuhan ng pandarambong
P10.5-M ALAHAS, GADGETS AT PERA NILIMAS NG MGA NAGPANGGAP NA GOV’T EMPLOYEE SA LAGUNA