December 21, 2024

‘PAHINGA KA NA’: CELEBS NAGULAT SA PAGPANAW NI JOVIT BALDIVINO SA EDAD NA 29

Nagulat ang local celebrities habang nagluluksa sa pagpanaw ng OPM singer na si Jovit Baldivino sa edad na 29 nitong Biyernes ng madaling araw matapos ma-stroke.

Sa social media, nag-post ng kanilang reaskyon ang kapwa artists tulad ni Ogie Alcasid, Marcelito Pomoy, Zsa Zsa Padilla, Matteo GUidicelli at Kiray Celis kaugnay sa pagpanaw ni Baldivino.

“Parekoy…. 3:33 a.m. this morning pinipilit ka pa naming kausapin at gisingin baka magmilagro pa… sobrang sakit mawalan ng isang kaibigan.. ikaw ‘yong taong unang sumuporta sa laban ko sa PGT.. pahinga ka na… no more pain parekoy… isa kang tunay na kaibigan… hinding hindi kita malilimutan,” saad ni Pomoy sa kanyang Instagram page.

“Oh my. Rest with Jesus brother,” tweet ni Ogie.

“Jovit…. totoo ba to? Ang saya saya pa natin dito.. hindi ka lang naging mabuting kaibigan sa ‘min. Para ka na naming kapatid eh. Mami-miss ka namin. At mahal na mahal ka namin,”  ani ni Celis sa kanyang caption sa post sa Facebook, kung saan ibinahagi niya ang clip na nagpapakita ng bonding moment nila ni Baldivino.

“I can’t believe this… rest in peace brother Jovit. Condolences to the family,” saad ni Guidicelli sa kanyang Twitter.

Tweet ni Zsa Zsa: “R.I.P. Jovit.”

Nagluluksa rin ang ABS-CBN’s Star Music sa pagpanaw ni Jovit.


“Your powerful talent and music will always be remembered. Thank you for sharing your music to the world. Rest in peace, @jovit_baldivino We extend our deepest condolences to his family, friends, and supporters,” mababasa sa post

Noong nakaraang Miyerkules, inilabas pa ng Star Music ang sa kanilang official YouTube channel ang video ng mga greatest hits na kanta ni Baldivino.

Sumikat si Jovit matapos maging first grand winner sa nationwide talent-reality show ng ABS-CBN na “Pilipinas Got Talent” noong 2010.

“Masakit sa loob namin pero kailangang ipasa-Diyos namin ito,“ saad ni Hilario Baldivino na ama ni Jovit sa  ABS-CBN News. “Mahal na mahal ko anak ko pero mayron din tayong Panginoon kaya kailangan tanggapin natin.” 
Ayon sa pamilya Baldivino, na-mild stroke si Jovit noong Nobyembre 22.

Matatandaang isinugod ang 29-anyos na singer sa ospital noong Disyembre 4 nang bigla umano itong himatayin habang nasa isang party sa Batangas. Hinihinalang brain aneurysm o pagputok ng ugat sa utak ang inindang sakit ni Jovit, at nalagay sa comatose condition. Ilan sa mga kilalang kanta ni Jovit na karamihan ay remake ang “Pusong Bato”, “Ika’y Mahal Pa Rin” at “Too Much Love Will Kill You”.