December 27, 2024

PAGTANGGAL SA TOTAL DEPLOYMENT BAN SA SAUDI, INIAPELA NG AKOOFW PARTYLIST

UMAAPELA ang AKOOFW Partylist (#10) kay Labor Secretary Bebot Bello III na alisin na ang ipinaiiral na deployment ban sa mga Household Service Workers sa Saudi Arabia.

Sa press conference sa Eurotel, sinabi ni Bong Concha, na kailangan nang tanggalin ang deployment ban dahil nagkaroon ito ng “collateral damage” sa maraming OFWs na umaasang makapag-trabaho sa Saudi at maraming nawalan ng trabaho sa mga manpower agency.

Simula pa noong December 2021, na-stranded na anya ang daan-daang OFWs na may kontrata na sa ilang Saudi companies, pero hindi pa makalipad dahil sa umiiral na deployment ban ng DOLE.

Nananawagan naman si  AKOOFW partylist 1st nominee Dok Chie Umandap kayay Sec. Bello na pakinggan ang hinaing ng mga OFW na siyang tanging inaasahan ng kanilang mga pamilya lalo na ngayong krisis dahil sa  pandemya.

“Ang AKOOFW ay boses, tinig ng mga OFW, ang kanilang panawagan ay ating ipinararating. Kung di rin lang sila mapipigilan sa kanilang pangarap,  Ang AKOOFW ay nananawagan kay Sec. Bello kung maaari ay mabigyan sila ng pagkakataon at hindi mawala ang oportunidad,” ayon kay Umandap.

Giit ni Umandap, baka may iba pang paraan sa pamamagitan ng diplomatic relations o backdoor channel para mabayaran na ang may 11,000 OFWS na natanggal sa trabaho at mai-lift na ang ban sa mga HSW sa Saudi Arabia.

Nakikiusap naman ang tatlong aplikanteng OFWs kay Sec. Bello na tanggalin na ang deployment ban sa Saudi para makaalis na sila at makapag-trabaho para sa mga pamilya nila.

“Willing po akong mag-abroad kahit mahirap para sa mga anak ko. Kasi tulad ko single mother ako, tatlo ang anak ko. Need ko po talaga ng trabaho ngayon. Nakasubok na po akong magtrabaho dito sa bansa pero P300 lang per day, kulang pa rin ang kinikita ko, kaya gusto ko pong mangibang bansa,” pahayag ng isang new applicant 

Dumepensa naman ang isang balik manggagawang OFW na naranasan na rin nyang magtrabaho sa Saudi pero hindi naman lahat ng Arabo ay masasamang employer.

“Hindi naman po lahat ng employers masama. Ang mga employer naman sa Saudi ay may mababait din. Desidido kami sa Saudi sa bilang kasambahay. Lakas ng loob at dasal,” pahayag ng isang OFW na balik manggagawa.

“Buo talaga ang loob ko na magtrabaho sa ibang bansa. Excited na po ako na magbyahe at magtrabaho kaso may suspension pala ng deployment sa Saudi. Naiiyak po ako kasi  umabot na sa 20,000 pesos ang nagastos ko sa pag-apply,” ayon sa isa pang  OFW.

Umaabot daw sa 20,000 pesos ang nagastos ng isang OFW.

Paalis na sana ang mga OFW noong December 2021 pero naabutan sila ng suspensyon ng deployment sa Saudi Arabia. Magugunitang ipinatupad ng DOLE ang deployment ban sa Saudi Arabia dahil hanggang ngayon ay hindi na nagbabayad ang ilang kumpanyang may utang o backpays sa higit 11-libong OFWs na natanggal sa trabaho dahil sa iba’t-ibang rason. (Danny Ecito)