November 5, 2024

Pagsusuot ng facemask, voluntary na lang (Rekomendasyon ng IATF)

INIREKOMENDA ng Inter-Agency Task Force of Emerging Infectious Diseases (IATF) na boluntaryo na lamang ang pagsusuot ng face masks sa labas, ito ay sa kabila na umiiral pa rin ang COVID-19 pandemic.

Ito ang kinumpirma ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles sa press briefing habang nasa Singapore kung saan nasa kanyang state visit ang Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon kay kalihim, ang rekomendasyon ng IATF ay maging optional na lamang ang pagsusuot sa face mask sa mga open spaces o kaya sa hindi matataong lugar at maganda ang ventilation.

Paliwanag pa ni Sec. Cruz-Angeles ang pag-aalis sa mask mandate ay kasama na ang buong bansa.

Gayunman, iminumungkahi na panatiliin ang pagsusuot ng mask sa hanay ng mga senior citizens at sila na mga immunocompromised.

“Ito ay nagiging opsyonal in open spaces or non-crowded areas with good ventilation provided that senior citizens and those immunocompromised individuals are highly encouraged to continue wearing mask. So ito ang mga senior kahit po outdoor, iniencourage po na magsuot ng mask, ang optional po ay yung non-crowded areas with good ventilation,” sabi ni Angeles.

Sinabi pa ni Angeles na susubukan din na tuluyang nang alisin ang mandatory na pagsusuot ng mask sa huling bahagi ng 2022.

“Ang lifting ng mandatory mask mandate ay ipa-pilot towards the last quarter of 2022 provided na merong improvevement doon sa Covid-19 booster vaccine coverage,” dagdag ni Angeles.

Aniya, dapat ay mapataas ang mga bilang ng mga nagpapa-booster matapos unang maitala na 50 porsiyento pa lamang ang nakatanggap ng booster.