November 5, 2024

Pagsusuot ng face shield, oobligahin na rin

SINIMULAN na umanong talakayin ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Diseases (IATF) ang pagpapagamit na rin ng face shields kasama ng face masks sa publiko lalo sa mga low ventilation settings, gaya sa mga pampublikong transportasyon.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na siya ring concurrent IATF Spokesperson, partikular umanong pinag-aaralang gawing mandato na rin ang paggamit ng face shields sa National Capital Region (NCR) at Region IV-A kung saan mataas ang transmission ng COVID-19 cases.

Nakapaloob sa IATF Resolution No. 60-A ang direktiba sa local government units ng NCR at Region IV-A na mahigpit na ipatupad ang minimum public health standards simula bukas, Agosto 1, 2020.

Batay sa IATF Omnibus Guidelines, kabilang sa minimum public health standards ang pagsusuot ng face masks, paghuhugas ng kamay at social distancing. Lumalabas umano sa mga pag-aaral na nakakatulong ang ang face shields para maibsan ang virus transmission sa mga low ventilation settings.