January 23, 2025

Pagsisimula ng klase iniurong sa Oktubre 5 – DepEd

Nawala ang excitement ng mga guro ng Geronimo Santiago Elementary School sa San Miguel, Manila sa paggawa ng module matapos iurong ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbubukas ng School Year 2020-2021 mula Agosto 24 patungong Oktubre 5, 2020.

 “As per the memorandum of the President, he has given approval to the recommendation of DepEd which I repeat, we submitted last August 8. Thus, we will now implement such a decision to defer school opening to October 5,” wika ni DepEd Secretary Leonor Briones sa isang online briefing.

Sinabi ni Briones na gagamitin daw nila ang panahon para ayusin ang ilang mga problema, partikular sa logistics bunsod ng pagsasailalim ng Metro Manila at ilang mga karatig-lalawigan sa modified enhanced community quarantine (MECQ).

Inatasan naman ng kagawaran ang mga lugar na wala sa MECQ na ipagpatuloy ang kanilang mga isinasagawang orientation, dry run, at paghahatid ng learning resources para maging handa na sa bagong petsa ng pasukan.

Umaasa naman si Briones na ito na raw ang huling gagawing adjustment sa school opening.