January 9, 2025

PAGPASOK NG ILLEGAL NA PAPUTOK SA PH, PIGILAN – DELA ROSA

Inatasan ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa ang Bureau of Customs (BOC) na palakasin pa ang paghihigit para mapigilan ang pagpasok ng illegal na paputok sa Pilipinas.

“I hope na seryosohin natin itong pagsawata ng pagpasok ng illegal na mga paputok,” saad ni Dela Rosa kay Atty. Wally Ann Yumul ng BOC sa ginanap na blended public hearing ng Senate public order and dangerous drugs committee.

Sinabi ni Dela Rosa na ang Republic Act (RA) 7183 o ang “An Act Regulation the Sale Manufacture, Distribution And Use of Fire Crackers And Other Pyrotechnic Devices,” ay nagbabawalsa pag-import ng produkto ng paputok.

 “And yet pagdating sa Pasko, pagdating sa New Year, nakikita pa rin natin yung mga maraming tatak na Chinese na mga produkto na halatang galing China,” paliwanag niya.

Dapat din aniya na i-turnover ng BOC sa Philippine National Police ang nakukumpiska nilang paputok. “We just would like to encourage you (BOC) to do more… Kung illegal na pumapasok dito, not necessarily namang dumadaan lahat sa Customs ‘yan, marami d’yan dumirekta doon sa shorelines ng ating teritoryo. But still, sana kung may dadaan man d’yan sa inyo ay talagang masasawata ninyo at mahuhuli ninyo,” saad niya.

Ayon pa sa dating hepe ng Philippine National Police na ang naturang hakbang mula sa BOC ay makatutulong para tugunan ang problema ng local manufacturers na nalugi ang negosyo dahil sa mga ipinuslit o smuggled na paputok.