November 5, 2024

PAGPASLANG SA 2 AKTIBISTA IIMBESTIGAHAN NG PNP


IPINAG-UTOS na ni Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Guillermo Lorenzo T. Eleazar ang malaliman na imbestigasyon sa nangyaring pagpatay sa dalawang aktibista na nagi-spray paint ng kanilang protest slogan sa mga pader kung saan, sangkot ang ilang pulis di umano sa Albay nuon lunes ng umaga.

Ayon sa  grupong Defend Bicol ang mga biktima na sina Jemar Palero, 22, at Marlon Naperi, 38, ay pinagbabaril hanggang sa mapatay ng mga otoridad ng Albay Police sa Barangay Lower Bonigsacan sa Guinobatan ng naturang bayan.

Subalit nakasaad sa ulat ng pulisya na armado ang mga aktibista at unang nagpaputok ang mga ito sa mga pulis kaya’t napilitan ang  mga awtoridad para gumanti.

Dahil sa nangyaring insidente ay umapila si PGen Eleazar sa publiko na hayaan muna ang nagpapatuloy na imbestigasyon bago gumawa ng anumang konklusyon sa insidente.

“Upang maalis ang mga haka-haka at alegasyon tungkol sa pagkamatay ng dalawa umanong aktibista sa Albay, inatasan ko na ang Internal Affairs Service sa pamumuno ni Inspector General Alfegar Triambulo na tutukan at pabilisin ang isinasagawang imbestigasyon upang bigyan ng linaw kung ano ba talaga ang nangyari dito,” wika ni PGen Eleazar

Sinabi  din ng PNP Chief “Inatasan ko na din ang Director PRO5, Police Brig. Gen. Jonnel Estomo na ilagay under restrictive custody ang mga pulis na kasama sa pangyayaring ito habang isinasagawa ang imbesitgasyon,”

Apela din ni PGen Eleazar sa publiko na iwasan ang pagpapakalat ng maling impormasyon hanggang hindi pa lumalabas ang final report at recommendation tungkol sa kaso.

“Makakaasa ang ating mga kababayan ng patas at malalimang imbestigasyon tungkol sa kasong ito so in the meantime, hayaan nating umusad ang isinasagawang pagsisiyasat sa seryosong alegasyon tungkol dito,” ayon kay PGen Eleazar

“Nananawagan din tayo sa mga nakasaksi o may nalalaman sa insidente na  makipagtulungan sa mga imbestigador para mabigyang-linaw ang kasong ito,” wika ng PNP Chief. (KOI HIPOLITO)