November 22, 2024

PAGPASA NG P3.5 BILYONG BUDGET NG MARIKINA, NAAYON BA?

NAAYON ba sa batas ang patuloy na paglilihim ng konseho ng Marikina LGU sa ilang konsehal sa proseso at mga dokumentong may kinalaman sa deliberasyon at panukalang pondo sa 2025 ng lungsod?

Ayon kay Konsehal Bong Magtubo, ilang beses na silang nag-request ng mga mahalagang dokumento kaugnay sa P3.5 bilyon na budget ng lungsod pero ilang beses na silang binabalewala ng city council. Naloko na!

Kinuwestiyon ng mga konsehal ang mabilis na pagpasa o deliberasyon sa mahigit P3.45-bilyon budget para sa 30 departamento sa loob lamang ng isang araw kahit may kulang na dokumento na anila ay malinaw na may naganap na iregularidad at kawalan ng transparency sa 2025 budget process.

Ano kayang meron sa mabilisang pagpasa sa 2025 budget na P3.5 bilyon at bakit walang kaukulang dokumento hinggil rito?

Hindi kaya, kaya pinaspasan ito para wala nang marami pang kuwestiyon ang ilang miyembro ng konseho kung saan mapupunta at papaano gagastusin ang nasabing pondo? Kanya-kanyang gimik lang ‘yan.

Teka, baka naman kinakailangan na ang pondo para sa maumpisahan ang mga nakabinbing proyekto ng lokal na pamahalaan kaya pinaspasan ang pag-aproba rito?

Proyekto nga ba o para may magamit sa 2025 elections? Ops, nagtatanong lang po ha at hindi nag-aakusa.

Pero ano itong nakarating sa ating impormasyon na bahagi ng nasabing pondo ang higit P700-M na alokasyon na budget para sa Office of the Mayor? Bukod pa ang P25 confidential fund? Aysus!

Naglaan naman ang konseho ng lungsod ng P595 milyon bilang pambayad-utang o debt service. Ang Marikina ay may utang na halos P4 bilyon. Alam na this!

Sino kaya ang nagpursigi para ipasa ng konseho ang 2025 budget ng Marikina?

Ipapaalala lang po natin ang nakasaad sa Budgetary Regulation na dapat detalyado ang lahat ng gastusin, anong proyekto, at saang barangay ito gagamitin.

Tandaan ninyo, pera ‘yan ng taumbayan na dapat sila ang makinabang. ‘Yun lang po.