
Inalmahan ni dating Mayor Joric Gacula at ilan pang residente ang umano’y planong pagpapatayo ng bagong sabungan sa Taytay, Rizal.
Ito’y matapos makatanggap ang dating alkalde ng kopya ng liham mula sa DILG na nagsasaad ng reklamo mula sa mga apektadong kababayan tungkol sa planong pagpapatayo ng isang bagong sabungan sa isang property na di-umano’y pagmamay-ari ng malapit na kamag-anak ng isang opisyal ng nasabing bayan.
Ayon sa mga tumututol sa proyekto, ang lokasyon ng sabungan ay malapit sa mga paaralan, residential area, at commercial establishments—isang malinaw na paglabag sa batas at banta sa kapayapaan at kaligtasan ng ating mga kabataan at ng buong pamayanan.
“Hindi ako tutol sa mga proyektong magdadala ng progreso sa ating bayan, ngunit dapat siguraduhin na ang mga ito ay may positibong epekto sa lahat ng mamamayan—hindi lamang sa iilan—at higit sa lahat, dapat itong naaayon sa batas,” ayon kay Gacula.
“Para kanino ba talaga ang proyektong ito? Sino po ang tunay na makikinabang dito? Bakit tila minamadali itong itayo, kahit na malinaw na may pagtutol mula sa taumbayan? Hindi natin kailangan ng isa na namang sabungan,” tanong pa nito.
“Huwag nating hayaan na maisakripisyo ang kapakanan ng ating mga kababayan para sa pansariling interes ng iilan,” dagdag pa ni Gacula.
More Stories
‘Roque is irrelevant in Duterte’s case before ICC’ – Remulla
$200-M Hive Hybrid Data Center opisyal nang binuksan
‘E-PANALO ANG KINABUKASAN’, INILUNSAD NG DSWD SA NAVOTAS