December 23, 2024

PAGPAPALIBAN SA BARMM ELECTIONS, PINAG-AARALAN NA – PBBM

INIHAYAG ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na pinag-aaralan na ng Malacañang ang panukalang ipagpaliban ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) elections na nakatakda sa Mayo 2025.

“Well, we’re still studying it. Some of the local officials are saying because of the Supreme Court decision of separating Sulu from BARMM, maraming implications in terms of the changes that have to be made, kung kaya natin,” ayon kay Marcos.

“Baka hindi natin kayang gawin by May of next year,” dagdag niya.

yon sa pangulo, mayroong pitong distrito na dating nasa Sulu na ngayo’y walang congressman at walang probinsya.

Mayroon din aniyang walong munisipalidad na nanalo sa plebisito na ngayo’y walang distrito at walang probinsya.

Bunsod nito, kailangan umanong gumawa ng isang bagong probinsya.

Maliban dito, ayon sa pangulo, kailangan ding mapalitan ang mga batas ng BARMM dahil pa rin sa pag-alis ng Sulu. Kailangang ayusin ang Bangsamoro Transition Authority (BTA) para sa bagong sistema, administrative code, local government code, at electoral code ng rehiyon.

Kung kakayanin, sabi ni PBBM ay isasabay nila ang pagpapatupad ng mga pagbabago pero kung hindi, mas mainam na huwag madaliin ang proseso.