December 23, 2024

PAGPAPALAWAK SA NAVOTAS CITY HOSPITAL (Para sa de-kalidad na serbisyong pangkalusugan)

Sinusubaybayan ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas ang mabilis na pagkumpleto sa pagpapalawak ng Navotas City Hospital para mapaunlakan ang mas marami pang mga pasyenteng Navoteño upang mabigyan sila ng mga de-kalidad na serbisyong pangkalusugan.

“Habang tumatagal, padami ng padami ang dumudulog kaya ginawan namin ng expansion ang ospital para higit pa nating mapaglingkuran at mabigyan ng de-kalidad na serbisyo ang ating mga kababayang Navoteno. Kung hindi lang nagka-pandemya, tapos na sana ang konstruksiyon nito,” pahayag ni Mayor Toby Tiangco.

Sinabi ni Mayor Tiangco na sakaling makumpleto ang pagpapalawak, ang Radiology Department ng hospital ay magbibigay ng CT scan services, bukod sa existing x-ray at ultrasound. Magbibigay din ito ng ganap na automated Laboratory and Pathology department na tutungo sa Department of Hematology, Microbiology, Blood Chemistry, Immunology, Serology at Histopathology.

Bukod sa mga ito, ang 50-bed capacity ay tataas sa 120 beds capacity at kabilang dito ang 15-intensive care unit (ICU) beds kung saan gagamutin at aalagaan ang mga paseyenteng Navoteño na may matinding karamdaman.

Ayon naman kay Congressman John Rey Tiangco, ang Navotas City Hospital ay binuksan noong 2014 upang magbigay ng mga serbisyong medikal at kalusugan sa kanilang mga nasasakupan, kabilang ang Internal Medicine, Pediatrics, Obstetrics and Gynecology, Ophthalmology, Surgery at Anesthesiology at Hemodialisys.

“Noon, pangarap lamang namin ni Mayor Toby ang makapagtayo ng ospital sa Navotas para mabilis na mabigyang lunas ang mga nangangailangan, Ngayon, matatapatan na natin ang kalidad at serbisyo ng pasilidad ng mga malalaki at pribadong ospital,” ani Cong. Tiangco.

Kumpiyansa si Mayor Tiangco na kung matatapos ang konstruksyon, magiging kwalipikado ang Navotas City Hospital para sa Level 2 DOH Accredited Facility at maraming Navoteno ang makikinabang sa mga de-kalidad na serbisyong iaalok nito.

Nilinaw din niya na mananatili ang patakaran ng libreng serbisyong medikal at kalusugan sa lahat ng Navoteños. (JUVY LUCERO)