January 23, 2025

Pagpapahalaga ni Biden sa isyu sa Climate Change, isa sa naging behikulo ng kanyang pagkapanalo sa US election

Ngayong naihalal na bagong Pangulo ng US si Joe Biden, mahalaga ang papel ng bansa sa usapin tungkol sa Climate Change.

Marahil, isa sa ikinatalo ni Donald Trump sa halalan ay ang pagbaklas nito sa Paris Climate Change Agreement noong November 4, 2019.

Kumalas ang Amerika sa summit gayung pangalawa ito sa buong mundo na producer ng carbon emission. Nangunguna naman ang bansang China.

Isa si Trump sa nagsusulong ng fossil industry. Subalit, hindi naniniwala sa epekto ng climate change. Iyon  ang isa sa butas na nasilip sa kanya.Ang pagpapawalang halaga sa Inang kalikasan.

Bunsod nito, wala nang papel ang US sa United Nations Climate Summit sa December 12. Kung saan ay host ang bansang United Kingdom. Ito rin ang ikalimang anibersaryo ng Paris agreement.

Kabilang sa nasabing summit ang Pilipinas, na kung saan 185 bansa sa mundo ang nagsumite ng plano.

Ito’y upang makaayuda upang mabawasan ang carbon emission mula sa industrial plants. Ito kasi ang nagiging sanhi ng pagkatunaw ng polar glaciers, nagpapataas ng sea level at temperatura ng mundo.

Ngayong nanalo si Biden, magbabago na ang senaryong ito. Nangako naman si Biden na muling sasali sa summit pagkalipas ng 77 araw.

Nangako rin ang China na tutulong upang masawata ang lumalalang climate change. Ayon kay Pres. Xi Jinping, wawakasan ng China ang carbon emission pagtuntong ng taong 2060. Ewan, kung aabot pa tayo sa panahong iyon.

Nagpahayag naman si Yoshide Suga na sa taong 2050, tapos na ang problema sa carbon. Nakita ng ibang lahi na may dugong American na may malasakit si Biden sa kapaligiran.

Na naging isa sa puntos niya sa halalan. Makahalang isyu ang tungkol sa klima ng mundo sa ngayon. Dahil isa ang salik na ito sa nakaaapekto sa sangkatauhan.