November 17, 2024

PAGMAMALTRATO SA MGA TAONG NASA POLICE CUSTODY, WALANG PUWANG SA PNP

HINDI pinapahintulutan ng Philippine National Police (PNP) ang pang-aabuso o pagmamaltrato sa mga taong nasa kanilang kustodiya.

Ito ang binigyang-diin ni PNP public information office chief Brig. Gen. Redrico Maranan nang hingin ang komento nito sa alegasyon na 13 dayuhan ang nasugatan nang sila’y magtangkang tumakas matapos ang isinagawang raid sa pitong establisyimento ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa loob ng isang compound sa Las Piñas City.

“The PNP does not tolerate such abuse. All possible efforts are done to ensure that persons under police custody are safe from harm or abuse,” saad niya.

Sinabi rin ni Maranan na binibigay ang lahat ng pangangailangan ng mga taong nasa ilalim ng kanilang pangangalaga, maging ang access sa kanilang mga embahada.

Noong Hunyo 27, nagsagawa ang pulisya ng raid sa compound ng Xinchuang Network Technologies, isang techno-hub sa Barangay Almanza Uno, kung saan nasagip ang mahigit sa 2,700 na umano’y biktima ng trafficking.

Nabatid na nagpadala ng sulat sa tatlong heneral ng PNP na director ng mga yunit na sumalakay sa nasabing POGO hub si Atty. Ananias Christian Vargas para agad na magamot ang 13 sugatang dayuhan na sangkot sa naganap na komosyon noong Hunyo 29 ng madaling-araw sa loob ng Xinhuan Technologies Inc. compound sa Barangay Almazan Uno, Las Piñas.

Sa 13 dayuhan, ayon pa kay Vargas, tatlo umano sa mga ito ang nagtamo ng seryosong pinsala sa katawan dahil sa naganap na komprontasyon sa mga pulis.

Dagdag pa ni Vargas na ayaw papasukin ng mga pulis ang ambulansya sa loob ng bisinidad upang dalhin sana ang mga malalang sugatan sa pagamutan. Subalit base naman sa pahayag ng PNP, ginamot na ang mga sugatang dayuhan ng barangay medical team.