January 25, 2025

PAGLIPAT SA BILIBID, MADALIIN – TOLENTINO (Para mabuwag sindikato)

Malaking tulong ang relocating at decongesting ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City upang mabuwag ang organisadong sindikato – lalo na ng mga high-profile inmates sa loob ng maximum-security compound.

“Kung mas ilalayo sila, mainam din na sama-sama rin sila para wala silang contact—wala silang middle man na mauutusan para mag distribute at walang logistical connection,” saad ni Senator Francis Tolentino sa panayam sa DZRH.

 “(Kung sakaling malipat at ma-relocate) ang talagang mabuwag diyan eh yung kultura (ng sidikato) eh—yung kultura sa loob ng Bilibid na padri-padrino pa rin yung andoon,’’ dagdag niya.

Isinagawa ni Tolentino ang pahayag sa gitna ng bumabalot na kontrobersiya sa Bureau of Corrections (BuCor), partikular sa pagkakasangkot umano ng mga matataas na opisyal nito at mga lider  ng gang sa loob ng NBP sa pagpatay kamakailan lang sa beteranong mamamahayag na si Percival “Percy Lapid” Mabasa at sa sinasabing middlemen sa loob ng maximum-security compound.

Kabilang sa inimungkahi ni Justice Jesus Crispin “Boying” Remulla na maaring paglipatan ng NBP ay sa 10 hektaryang lupain ng gobyerno sa Sablayan, Mindoro at ang bahagi ng Fort Magsaysay sa Palayan City, Nueva Ecija.


Sakaling matuloy ang relocation sa NBP, ililipat ang mga inmate ng maximum-security compound sa Mindoro site habang ang mga nasa minimum at medium-security compounds ay magkakaroon ng kani-kanilang quarter assignment sa nakalaan na lugar sa loob ng Fort Magsaysay.

Iginiit ni Tolentino na patuloy ang pamamayagpag ng operasyon ng organisadong sindikato sa NBP hangga’t narito sila sa Metro Manila.

 “Kapag andito ka po sa Metro Manila, andyan ka lang sa Muntinlupa eh… may koneksyon sila sa outside world. Kung ilalayo sila sa isang bulubunduking lugar na walang koneksyon, ay palagay ko eh baka matuto pa ng magaling na pamamaraan ng agrikultura iyang mga yan kaysa sa may koneksyon sila,”  dagdag niya.