December 25, 2024

Paglingap sa mga nangangailangan, mahalaga tungo sa pagbangon sa kalamidad

Sa kabila na humaharap tayo sa COVID-19 pandemic, ginulantang tayo ng mga nagdaang bagyo nito lamang buwan ng Nobyembre.

Kabilang na rito sina Quinta, Rolly at Ulysses. Kung malakas ang naunang dalawa, mas malakas si Ulysses.

Heto, mala-delubyo ang ginawa nitong pagbaha sa ilang pook sa Metro Manila at karatig lugar.Partikular na sa Marikina, Rizal, Bulacan at iba pa.

Mas nahigitan ni Ulysses ang dami ng ibinuhos na ulan ng bagyong Ondoy noong September 2011, na nagbunga ng biglaan at dire-diretsong pagtaas ng tubig-baha.

Kaya naman, nalubog ang mga lugar, lalo na ang malapit sa ilog. Gayundin ang basin, kung saan sila ang bagsakan ng tubig na umapaw at umagos mula sa ilog, dagat at bundok.

Bunsod nito, may ilang indibidwal na nagpaabot ng tulong bukod sa ating pamahalaan. Gayundin ng pribadong sector.

May ilan na minamasama pa ang pagtulong ng kanilang kapwa. Bakit nga ba? Ang matindi, sinisisi pa ang kinauukulan. Kesyo, hindi raw nagpaalala ng paghahanda.

Bakit, mapipigilan ba natin ang pangangalit ng kalikasan? Walang may gusto sa nangyari. Isipin na lang natin na pansamantala tayong dumaan sa pagsubok. Ika nga ng iba, ‘2020, quota ka na!”

Gayunman, huwag na sana tayong magsisihan. Sa halip, magtulungan at kalimutan muna ang pader na namamagitan sa bawat panig.Lingapin ang  mga kapwang nangangailangan.

Dahil sa panahong ito, kailangan na kailangan nila ang ating tulong. Sa tulong ng Diyos, malalampasan ng ating mga kababayang naapektuhan ng bagyo ang delubyong ito.

Makakaya natin kung magtutulungan at magbabayanihan at bawat isang may kakayahang tumulong. Lalong makakaya kung nariyan ang tulong at awa ng Diyos.