ANG Pamahalaang Lungsod ng Navotas ay lumagda sa isang memorandum of agreement na nagbibigay ng scholarship sa mga estudyanteng Navoteño mula sa mga pamilyang mangingisda at Navotas Polytechnic College.
Sampung mag-aaral ang naging kwalipikado para sa Ulirang Pamilyang Mangingisda Scholarship sa ilalim ng NavotaAs Scholarship Program, na iginawad sa mga miyembro ng pamilya ng mga rehistradong mangingisda na nanalo sa taunang Top Ten Most Outstanding Fisherfolk search.
Bibigyan ng Pamahalaang Lungsod ang fisherfolk scholars ng P16,500 na allowance sa transportasyon at pagkain, at P1,500 na book stipend kada academic year.
Sa kabilang banda, ang mga iskolar ay inaasahang dadalo sa kanilang mga klase at aktibidad sa paaralan, mapanatili ang pasadong grado, at tuparin ang iba pang mga gawain.
Ang scholarship ay maaaring i-renew taun-taon, depende sa pagsunod ng benepisyaryo sa mga tuntunin at kundisyon na itinakda ng pamahalaang lungsod.
Samantala, 2,334 na mag-aaral ang naging kwalipikado para sa Navotas Polytechnic College Full Scholarship Grant para sa school year 2024-2025.
Ang scholarship program na ito ay bukas sa mga papasok na una hanggang ika-apat na taon na mga mag-aaral na naka-enroll sa NPC, na mga bona fide Navoteño. Ang mga aplikante ay kailangang pumasa sa isang drug test at hindi dapat may hawak o grantee ng anumang scholarship mula sa ibang institusyon o organisasyon.
Ang Navotas ay nagbibigay sa NPC full scholars ng libreng tuition at miscellaneous fees mula P1,500 hanggang P2,000 kada semestre.
Ang mga iskolar ay dapat na masigasig na mag-aral at dumalo sa lahat ng kanilang mga klase at aktibidad sa paaralan, mapanatili ang pangkalahatang average na hindi bababa sa 2.75, at magkaroon ng magandang katayuang moral sa komunidad at paaralan.
“Kapag namuhunan tayo sa potensyal ng ating mga mamamayan, namumuhunan din tayo sa kinabukasan ng ating lungsod,” ani Mayor John Rey Tiangco.
“Lubos naming sinusuportahan ang mga Navoteño na nagpupursige sa kanilang pag-aaral upang matupad nila ang kanilang potensyal at makamit ang kanilang mga mithiin,” dagdag niya. Ang pamahalaang lungsod ay nagbibigay din ng scholarship sa mga estudyante na mahusay sa academics, sports, at arts, maging sa mga guro.
More Stories
PALASYO NAGLABAS NG EO PARA ‘TODASIN’ ANG POGO SA ‘PINAS
CHAMPION ANG TNT SA GOVERNORS CUP!
DOH-W. VISAYAS NAGLUNSAD NG KAMPANYA KONTRA PAPUTOK