
Habang maraming analista ang naniniwala na ang boto ng kabataan ang nagpanalo sa ilang oposisyon kandidato sa katatapos na 2025 midterm elections, iginiit ni sociologist Athena Charanne Presto na hindi sapat ang ganitong paliwanag.
Ang inaasahang banggaan sa pagitan ng mga kandidato nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Pangalawang Pangulo Sara Duterte ay nabigong mangyari, matapos manguna sa senatorial race sina Bam Aquino at Kiko Pangilinan—mga kandidatong hindi kabilang sa dalawang dominanteng kampo.
Ilang komentarista at mga election watchdog tulad ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) at National Citizens’ Movement for Free Elections (NAMFREL) ang nagsabing malaki ang naging papel ng kabataan sa pagboto ng mga bagong mukha sa Senado. Tinatayang 60% ng mga botante ay mula sa sektor ng millennials at Gen Z.
Ngunit ayon kay Presto, masyadong pinapasimple ang ganitong pananaw. “Iisa ang tingin sa youth vote, pero hindi naman iisa ang kabataan,” aniya sa panayam ng Philstar.com.
Paliwanag pa ni Presto, may kalituhan pa sa pag-uuri ng kabataan. Halimbawa, sa batayan ng Pew Research Center, ang millennials ay isinilang mula 1981 hanggang 1996, habang ang Gen Z ay mula 1997 hanggang 2012. Nangangahulugan itong ang mga nasa edad 40 pataas ay hindi na saklaw ng tradisyunal na depinisyon ng “kabataan.”
Dagdag pa rito, magkaiba rin ang political engagement ng bawat henerasyon. Ayon kay Presto, may limitasyon pa rin ang kakayahan ng mas batang bahagi ng Gen Z na makilahok sa pampulitikang diskurso, kadalasan dahil sa pag-asa pa rin sa suporta ng magulang.
“Marami sa kanila ang may takot na mawalan ng suporta o mapagalitan kapag nagsalita tungkol sa politika,” aniya.
Isa pang salik na binanggit ni Presto ay ang epekto ng digital divide, lalo na sa mga kabataang nasa kanayunan. Habang may ilang nakasabay sa online setup sa panahon ng pandemya, marami ang nahirapang makakuha ng de-kalidad na edukasyon, dahilan upang magkaroon ng kakulangan sa kaalaman sa mga isyung panlipunan.
“Heterogenous ang kabataan. Iba-iba ang karanasan, estado, at pananaw,” dagdag ni Presto. Giit niya, habang mahalaga ang boto ng kabataan, hindi ito sapat na paliwanag para lubusang maunawaan ang naging resulta ng eleksyon. Kailangan aniyang tingnan ang mas malalim na mga salik gaya ng edukasyon, kabuhayan, at kultura sa pagsusuri ng boto ng kabataan.
More Stories
2-STAR GENERAL INIREKLAMO NG PANGGAGAHASA NG 2 SUNDALO, SINIBAK SA PWESTO
RISA GAME MAGING PAMBATO NG OPOSISYON SA 2028
MMA encuentro sa CamSur… URCC KAOGMA 2 BANGGAAN NA ‘TO!