December 23, 2024

Pagiging batas ng “No Permit, No Exam Prohibition Act” ikinagalak ng mga mag-aaral

LABIS na ikinagalak ng mga estudyante at mga magulang sa lungsod ng Maynila ang pagkakalagda sa “No Permit, No Exam Prohibition Act” o  Republic Act (R.A )11984.

Nabatid na ganap ng naging batas ang naturang panukala na pangunahing iniakda ni Sen. Ramon “Bong” Revilla, Jr.

Ayon sa ilang grupo ng mga estudyante na pumapasok sa University Belt, malaking bagay ang nasabing batas upang makatutok sila sa kanilang pag-aaral at hindi na makakaramdam ng pressure sa tuwing magkakaroon ng examination.

Ilan rin sa mga estudyante ay gustong makatapos sa pag-aaral ngunit kulang sa budget ngunit ngayon anila ay magagawa na nila ito dahil sa nasabing batas.

Nagpapasalamat naman ang mga magulang kay Sen. Revilla dahil sa malaking kaluwagan sa kanilang parte ang naturang batas at magkakaroon sila ng pagkakataon na makaipon.

Sa ilalim ng R.A. 11984, ang mga disadvantage student na hindi pa nakakabayad ng matrikula at iba pang bayarin sa eskuwelahan ay papayagang kumuha ng pagsusulit. Saklaw din nito ang basic education institutions (gaya ng K to 12), higher education institutions at technical-vocational institutions.