November 3, 2024

Paggunita sa Pambansang linggo o ‘Bible Week’

Muli, isa na naman pong magandang araw sa inyo, mga ginigiliw kong mga kababayan. Mga minamahal kong mga Ka-Sampaguita.

Nawa’y lagi po kayong nasa mabuti po kayong kalagayan.Muli na naman po tayong tatalakay sa mga isyu sa ating lipunan.

Kung meron mang aklat na dapat pagtuunag basahin, walang iba kundi ang Biblia o Salita ng Diyos. Gayunman, tila bumaba ang tingin ng sangkatauhan ngayon sa Biblia— dahil aniya, gawa lang daw ng tao. Alangan naman, utusan ka ng Diyos na Siya pa ang magpapa-imprenta sa iyo.

Ang Biblia ay talagang Salita ng Diyos na ipinasulat Niya sa mga taong kanyang kinasihan. Kaya naman, ang makabubuti sa tao ay magbasa ng Biblia upang mabawas-bawasan ang pagkahumaling sa pagiging materyalistiko, pag-iisip ng masama, maging mahinahon at malaman niya kung ano ang kalooban Niya— na dapat malaman ng tao.

Kaya naman, ang  huling Linggo ng buwan ng Enero ay kada taon ay ginugunitang Pambansang Linggo ng Biblia sa bisa ng Proklamasyon No 44; 1986.

Gayunman, pinaigi ito sa Proklamasyon 1067 noong 1997, dahil hindi sapat ang isang linggo para gunitain ang kahalagahan ng Banal Na Kasulatan. Sa panahon ng administrasyon ni Pangulong Duterte, naglabas ng Proclamation 124 noong Enero 5, 2017 na ang buwan ng Enero ay magiging ‘ ‘National Bible Month’ na.

Nilagdaan  din ng Pangulong Duterte ang RA 11163 noong Disyembre 20, 2018 na idinedeklara ang huling Lunes ng Enero na isang special working holiday bilang pagdiriwang sa National Bible Day.

Isinulat ang Bibliya sa loob ng 1,600 taon. Nabuhay ang mga manunulat nito sa magkakaibang panahon at iba’t iba ang kanilang katayuan sa buhay. Ang ilan ay mga magsasaka, mangingisda, at mga pastol. Ang iba naman ay mga propeta, hukom, at mga hari.

Ang manunulat ng Ebanghelyo na si Lucas ay isang doktor. Sa kabila ng iba’t ibang pinagmulan ng mga manunulat nito, magkakatugma ang nilalaman ng Bibliya mula pasimula hanggang wakas. 

Ang lahat ng nilalaman ng Biblia ay sumasaklaw sa libu-libong taon ng kasaysayan at may kaugnayan sa paanuman sa pagsisiwalat ng layunin ng Diyos. Kahanga-hanga ang pagkakatugma ng mga nilalaman ng Bibliya, pero iyan naman talaga ang aasahan natin sa isang aklat na mula sa Diyos.

Ang Biblia ay tumpak pagdating sa siyensiya. Naglalaman pa nga ito ng impormasyon na maituturing na una sa panahon nito. Halimbawa, ang aklat ng Levitico ay naglalaman ng mga batas para sa sinaunang Israel may kaugnayan sa kuwarentenas at kalinisan samantalang walang kaalam-alam ang mga bansa sa palibot nila tungkol sa mga bagay na ito.

Noong panahong mali ang mga pala-palagay tungkol sa hugis ng lupa, binanggit naman ng Bibliya na ito ay bilog, o globo. (Isaias 40:22) Tumpak  na sinabi ng Bibliya na ang lupa ay ‘nakabitin sa wala.’ (Job 26:7) Siyempre, hindi naman isang aklat-aralin sa siyensiya ang Bibliya. Ngunit kapag may binabanggit itong mga bagay tungkol sa siyensiya, ito ay tumpak.

Tumpak din at maaasahan ang Bibliya pagdating sa kasaysayan. Espesipiko ang mga ulat nito. Inilalakip ng mga ito hindi lamang ang mga pangalan kundi pati na rin ang pinagmulang angkan ng mga indibiduwal.  Kabaligtaran ng mga sekular na istoryador, na kadalasang hindi bumabanggit sa pagkatalo ng kanilang sariling bayan, ang mga manunulat ng Bibliya ay matapat, anupat iniuulat pa nga ang mismong mga pagkakamali nila at ng kanilang bansa.

Halimbawa, sa aklat ng Bibliya na Mga Bilang, inamin ng manunulat na si Moises ang kaniya mismong malubhang pagkakamali na naging dahilan ng matinding pagsaway sa kaniya. (Bilang 20:2-12).

Bibihira ang gayong katapatan sa iba pang ulat ng kasaysayan, ngunit masusumpungan ito sa Bibliya sapagkat isa itong aklat na mula sa Diyos. Adios Amorsekos.