SINILIP ng Commission on Audit (COA) ang ginawang paggastos ng tanggapan ni Vice President Sara Duterte sa P73.28 milyon na bahagi ng P125 na confidential fund na ginastos ng Office of the Vice President (OVP) sa loob lamang ng 11 araw noong 2022.
Ang Notice of Disallowance na inilabas ng COA, na may petsang Agosto 8, 2024, ay natalakay sa pagdinig ng panukalang P2.037 bilyong pondo ng OVP para sa 2025.
Kung mabibigo ang OVP na mapatunayan na tama ang kanilang paggastos sa pondo ay ipapasoli ito sa mga responsableng opisyal na gumastos nito.
Kinuwestyon ng COA ang pagbabayad ng OVP ng reward sa pamamagitan ng “goods” sa halip na “cash” at ang paggamit ng naturang pondo upang bumili ng lamesa, upuan, desktop computer at printer na hindi pinapayagan sa pamantayan para sa paggamit ng confidential funds.
Nagkaroon ng tensyon sa pagdinig ng House Committee on Appropriations matapos na tumanggi si VP Duterte na sagutin ang mga tanong kaugnay ng ginastos nitong confidential fund.
Bukod sa pagtanggi na sagutin ang mga tanong kaugnay ng confidential fund, tumanggi rin si Duterte na idepensa ang panukalang budget ng OVP para sa susunod na taon.
“I will forego the opportunity to defend the OVP 2025 budget proposal in question and answer, and I will leave it to the House to decide on the proposal,” sabi ni VP Duterte.
Iginiit ni Appropriations panel senior Vice chair Marikina 2nd District Rep. Stella Quimbo na mahalaga ang interpellation para malinawan ng mga miyembro ng komite ang mga isyu kaugnay ng budget.
“Madam Vice President, we have 17 members listed for interpellation. And as you know, you’ve been here many times for our budget briefing, that this is an important part of the budget briefing,” sabi ni Quimbo.
“The GAA, the General Appropriations Act, is arguably the most important piece of legislation of the year,” giit pa nito.
Unang nagtanong si Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Rep. France Castro at kanyang tinalakay ang P125 milyong confidential fund na ginastos ng OVP sa loob ng 11 araw,
“Nakita naman natin doon sa presentation. So ang utilization ay napakababa. Pero siyempre comment ko lang, mas mabilis siya sa confidential funds, 100% in 11 days,” punto ni Castro.
Sinabi ni Castro na dinisallow ng COA ang paggastos sa P73.28 milyon na bahagi ng P125 milyong confidential fund.
Sa isang punto, inihirit ni Duterte na ang kanyang tanggapan ay pinapunta upang talakayin ang panukalang pondo ng OVP pero ang palagi rin nitong sinasagot ay hindi nito kukunin ang oportunidad na idepensa ang budget ng kanyang tanggapan.
“Nasaan ang topic natin dito, at ang pina-submit ninyo sa amin is the budget proposal of 2025, where in the budget proposal of 2025 is the item confidential funds?” tanong ni Duterte.
Iginiit naman ni Quimbo na tama ang tanong ni Castro dahil kasama sa tinatalakay ay kung papaano ginamit ng isang ahensya ang pondong inilaan dito ng Kongreso.
“The Hon. France Castro has already provided a sufficient explanation as to why she asked the question, so please proceed with your answer,” sabi ni Quimbo.
Kinuwestyon din ni Castro ang paggastos ng OVP ng P40 milyong confidential fund sa medical at food aid sa loob lamang ng 11 araw.
“So ang ibig sabihin ito, Madam Chair, konting math, pumapatak na ₱3.64 million kada araw ang gastos para sa food and medical aid. So hindi natin maintindihan paano ito ginastos in 11 days,” sabi ni Castro.
Paulit-ulit na hindi sinagot ni Duterte ang mga tanong kaya pinasaringan na siya ni Castro.
“Sorry for the pusit, na kapag nasusukol na ang pusit ay nag-aano ng maitim na tinta,” sabi ni Castro. “So ayaw natin ng ganun, Madam Chair, kasi ‘yung atin namang pinag-uusapan dito ay budget. So ‘wag naman mag-ugaling pusit ang Office of the Vice President.”
Iginiit ni Castro na kung disallowed ang paggamit ng pondo, nangangahulugan na iligal ang paggamit nito.
Ipinaliwanag ni COA Assistant Commissioner Alexander Juliano na ang Notice of Disallowance ay inilalabas ng kanilang ahensya kung mali ang paggamit sa pondo.
“Ang Notice of Disallowance po ang ibig sabihin, hindi pwede ang expenditure kasi it’s either irregular, unnecessary, excessive, extravagant, or unconscionable,” sabi ni Juliano.
Kung mabibigo si Duterte na patunayan na tama ang paggamit nito ng pondo ay ipasosoli sa kanya ang nilustay na pondo.
More Stories
PAGGUNITA SA ALL SAINTS’ DAY GENERALLY PEACEFULL
NOVEMBER 4 IDINEKLARANG NATIONAL MOURNING PARA SA KRISTINE VICTIMS
Pang. Carlos P. Garcia, Ama ng Kilusang Pilipino Muna