November 23, 2024

PAGCOR namahagi ng ayuda sa Albay at Camarines Sur

Naghatid na rin ng ayuda ang  Philippine Amusement and Gaming Corporation o PAGCOR sa mga nasalanta ng bagyong Rolly partikular sa Albay at Camarines Sur.

Marami sa mga biktima ng nasabing bagyo ang nawalan ng tahanan dahil sa lakas ng hangin at ulan ang nabahagian ng food at non-food relief packs mula sa PAGCOR. Matapang na sinuong ng mga volunteer ng ahensiya ang mga nasirang kalsada na nanggaling pang Maynila patungong Bicol upang ihatid ang tulong sa mga benepisyaryo.

Kabilang sa laman ng food packs na ipinamahagi ng PAGCOR ay bigas, instant noodles, delata, blanket, mosquito nets, at hygiene kits.

Ang Catanduanes na matinding hinagupit ng bagyo ay susunod na ring aayudahan ng PAGCOR.

Sinabi ni PAGCOR chairman at CEO Andrea Domingo, patuloy silang tutulong kahit pa malaki ang epekto ng pandemya sa revenue o kita ng PAGCOR.

Ayon pa kay Domingo, kahit may pandemya ay hindi dapat aniya ito maging hadlang para matulungan ang mga nangangailangang kababayan.

Malaki umano ang pinsalang dulot ng bagyong Rolly kung saan ang ilan ay nawalan pa ng tirahan.