December 24, 2024

PAGCOR muling nagbabala vs pa-bingo, iba pang sugal sa FB

MULING binalaan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang publiko laban sa ilang indibidwal na nag-oorganisa ng illegal bingo games at iba pang online gambling gamit ang Facebook.

Inilabas ng PAGCOR ang naturang pahayag nang magsagawa ang Philippine National Police – Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) ng tagumpay na operasyon laban sa illegal online bingo operator kamakailan lang.

Noong nakaraang linggo, nadakip ng PNP-ACG ang isang live-in couple na sangkot sa ilegal na pa-bingo online sa Facebook.

Ayon sa gaming regulator, ang pagkakaresto sa dalawa ay isa lamang sa iba’t ibang mga illegal gambling operation na kanilang mahigpit na binabantayan at tinututukan na kaso.

Magmula nang mag-umpisa ang COVID-19 pandemic ngayong taon, marami ng report ang natanggap ng PAGCOR kaugnay sa mga naglipanang illegal online gambling sa social media tulad ng Facebook.

At upang mapalakas ang paglaban sa mga hindi awtorisadong gambling activities, humingi na ng tulong ang state run-gaming regulator sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at Anti-Money Laundering Council (AMLC) na magsagawa ng imbestigasyon sa mga bangko, remittance services at payment solutions  na ginagamit sa ilegal na operasyon.

“While illegal gambling per se is not among the predicate crimes of Money Laundering, frauds and swindling are,”  ayon sa PAGCOR.

“These are based on the act of taking bets from the public by falsely representing that they have a legitimate business, when in fact, they have no such authority,” dagdag pa nito.

Nanawagan din ang gaming regulator sa Facebook na makipagtulungan sa PAGCOR at sa mga awtoridad ng Pilipinas upang mapigilan ang mapanlinlang na aktibidad, gamit ang kanilang platform.