Isang panukalang batas na layon tuluyang buwagin ang Procurement Service of the Department of Management and Management (PS-DBM) ang inihain kamakailan ni Senador Francis ‘Tol’ N. Tolentino sa likod ng sunod-sunod na kontrobersiya na kinasangkutan ng nabanggit na ahensya.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 1802 na inihain ni Tolentino nitong Lunes ng hapon, nakasaad sa panukala na bukod sa tuluyang pagbuwag sa PS-DBM, laman din nito na ang lahat ng bidding para procurement of goods–kabilang na ang mga common-use supplies, materials and equipment, at maging ang mga infrastructure project–ay kanya-kanya ng gagawin ng bawat departamento, ahensya, at sangay ng pamahalaan.
“All procurement of goods, including common-use supplies, materials and equipment, and infrastructure projects shall henceforth be undertaken by the respective departments, bureaus, offices, agencies, state universities and colleges, government-owned and / or -controlled corporations, and local government units,” saad ng SB 1802.
Sa kanyang explanatory note, isinaad ni Tolentino na chairman ng Senate Blue Ribbon Committee ang mga natuklasan ng Commission on Audit sa nakalipas na mga taon, kung saan lumalabas kung paano naging agrabyado at dehado ang mga ahensya ng pamahalaan sa mga bidding na dinaan sa PS-DBM.
Kabilang sa mga pinuna dati ng mga state auditors ay ang “unexpended/unutilized” fund transfers na aabot sa P1.976 bilyon mula sa Department of Health na orihinal na nakalaan upang ipambili ng mga supplies at iba pang kagamit noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic subalit hanggang ngayon ay hindi pa rin ibinabalik sa National Treasury kahit lipas na sa itinakdang petsa sa ilalim ng batas.
Pinuna rin ng COA ang maanomalyang pagbili ng Department of Education (DepEd) ng mga overpriced subalit outdated laptops para sa mga guro sa pampublikong paaralan–kung saan ang bidding process nito ay dumaan din sa nabanggit na kontrobersyal na ahensya.
“The agency has, for several years already, been tainted with controversies in the performance of its mandate,” ani Tolentino.
Noong isang linggo, inirekomenda ng Blue Ribbon Committee sa isinumite nitong committee report ang tuluyang pagbuwag sa PS-DBM at hinimok ang bawat ahensya ng pamahalaan na magsagawa na lamang ng kanya-kayang hiwalay na mga bidding sa kanilang procurement process upang masiguro na bukod sa transparent ay may mga mananagot kung sakaling mabalot ng katiwalian ang proseso.
Samantala, isa pang hiwalay na panukalang batas ang inihain din ni Tolentino na layon naming susugan ang Republic Act No. 9184 o ang Government Procurement Reform Act upang magkaroon ng mas mahigpit na pamantayan ang kwalipikasyon ng mga bidders sa pamahalaan.
“The bids and awards committee (BAC), under special circumstances specified in the implementing rules and regulation (IRR), or its duly designated organic office shall determine the eligibility of prospective bidders for the procurement of Goods and Infrastructure Projects, based on the bidders’ compliance with the eligibility requirements within the period set forth in the Invitation to Bid,” laman ng Senate Bill 1803 na inihain ni Tolentino.
Giit ni Tolentino, bagamat pinapayagan ng batas ang isang ‘joint venture’ sa mga proyekto ng pamahalaan, walang malinaw na requisitos para sa kwalipikasyon ng isang ‘joint venture’ bilang isang bidder maliban na lamang sa nakasaad sa nakalatag na implementing rules and regulations (IRR)–kung saan ang mga kasali sa isang joint venture ay pinamamahalaan sa ilalim ng isang Joint Venture Agreement (JVA).
“This was the case in the laptop procurement project conducted by the Procurement Service Department of Budget and Management for the Department of Education (DepEd) which was flagged by the Commission on Audit for being overpriced,” paliwanag Tolentino.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA