December 24, 2024

PAGBUBUKAS NG MGA SINEHAN, INIURONG SA MARSO – PALASYO

Nagpatawag si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos ng isang press-conference sa MMDA office sa Makati kaugnay sa katayuan ng Metro Manila Mayors sa pagbubukas ng mga sinehan at iba pang mahahalagang usapin. (Kuha ni ART TORRES)

KINUMPIRMA ng Malacañang na sa susunod na buwan pa magbubukas ang tradisyunal na mga sinehan sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) habang hinihintay na ilabas ang guidelines sa COVID-19 safety protocols.

Inilabas ni Presidential spokesperson Harry Roque ang naturang pahayag isang araw matapos tutulan ng mga alkalde ng Metro Manila ang naging desisyon ng COVID-19 task force na payagan ang muling pagbubukas ng sinehan simula Lunes, kung saan nabanggit ang mas mataas na peligro ng pagkalat ng virus sa mga saradong lugar.

Sa isang press briefing, sinabi ni Roque na inurong ang muling pagbubukas ng mga sinehan upang bigyan ng mas maraming oras ang mga kinauukulang partido para sa konsultasyon at mailatag ng local government units ang mga patakaran lalo na ang isyu sa loob ng mga sinehan.

“So ngayon po ang status nito, ang pagpapatupad po ng pagbubukas ng sinehan, kung matutuloy po, ay Marso a-uno. Kinakailangang ipagpatuloy ang consultations at kinakailangan bumuo ng guidelines bago po mabuksan ang mga sinehan,” wika ni Roque.

Inihayag ni Sec. Roque na malinaw naman na hangga’t wala pang guidelines at hindi pa naitatakda ang kapasidad sa bilang ng mga taong dapat na payagang makapanood sa isang buong panahon ng pelikula, hindi pa talaga pwedeng buksan ang mga sinehan.

“Hindi natin sinasabi na mula ngayon magiging epektibo ‘yan dahil nasa lokal na pamahalaan ho ‘yan na bumuo ng kanilang mga operational guidelines,” sambit niya.

Idinagdag ni Roque na nirerespeto ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease (IATF) ang posisyon ng Metro Manila mayors. (Balita ni BOYET BARBA JR)