December 26, 2024

PAGBAWI SA TRAVEL BAN, KINUWESTIYON (Bakit magtatanggal tayo ng restriction kung ang taas-taas ng kaso natin? – Robredo)

NAGPAHAYAG ng pagkadismaya si Vice President Leni Robredo sa pamahalaan kaugnay sa ginawa nitong pagbawi sa travel restriction sa kabila ng patuloy na pagtaas ng kaso ng coronavirus.

Sa kanyang weekly radio show, sinabi ni Robredo na nagtataka siya kung bakit nag-desisyon si Duterte na tanggalin ang travel ban sa 10 bansa kung ang Pilipinas ay nahaharap sa matinding pagtaas ng bilang ng COVID-19 cases.

“Sana ang policy ay data driven. Hindi ko alam bakit magtatanggal tayo ng restriction kung ang taas-taas ng kaso natin,” saad niya. “‘Yung laki ng problema natin nagsimula dun,” dagdag ni Robredo, na ang tinutukoy niya ay ang kabiguan noon ni Duterte na agad magpatupad ng travel ban mula sa mga taong manggagaling sa China kung kailan naitala ng Pilipinas ang unang kaso ng virus.

Ayon kay Robredo, dapat gayahin ng pamahalaan kung papaano ipinatutupad ng ibang bansa ang kanilang travel restriction, halimbawa aniya ay sa Hong Kong. Noong nakaraang linggo, ipinag-utos ng Hong Kong ang suspensiyon ng mga flight ng Philippine Airlines mula Maynila matapos ma-detect ang imported na COVID-19 cases.

Habang sa Pilipinas, inanunsiyo ng pandemic task force ng pamahalaan na pinayagan na ni Duterte ang pagtanggap ng mga travelers mula sa mga sumusunod na bansa simula sa Lunes, Sept. 6:  India, Pakistan, Bangladesh, Sri Lanka, Nepal, United Arab Emirates, Oman, Thailand, Malaysia at Indonesia.