MAHIRAP umanong sabihin na ang reclamation project sa Manila bay, ay siyang direktang dahilan ng pagbaha sa Pasay lalo na sa harap ng Senate building kahapon.
Sa isang panayam kay Executive director Mahar Lagmay ng Project NOAH, tumanggi itong sabihing may kinalaman ang reclamation sa pagbaha hanggang walang pag-aaral na isinasagawa dito.
Ayon kay Lagmay, bilang isang siyentista, kailangan umanong saliksikin pa kung may epekto nga sa pagbaha ang reclamation sa Manila bay bago maniwala sa mga haka-haka. Kumalat kasi sa kasagsagan ng bagyong Carina ang mga pagpuna na maaaring may kinalaman ang reclamation projects sa Manila bay dahil sa pagbaha ng harapan ng Senado.
Inamin na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na hindi nakayanan ng kanilang 71 pumping stations ang biglaang pagbuhos ng malakas na ulan. Ayon sa MMDA, 30 millimeter per hour volume lamang ng tubig ulan ang kaya ng mga pumping stations, samantalang lampas sa 74 millimeters per hour volume ng ulan ang rumagasa bunga ng Super Typhoon Carina.
Tumagal din aniya ng lampas sampung oras ang ulan na naging sanhi upang maabot ng mga pumping stations ang overcapacity. Liban pa sa ulan, nakalala din sa pagbara ng mga pumping stations at mga drainage ang tone-toneladang mga basura at langis.
Nang bisitahin ng Pasay DPWH engineering team ang Diokno boulevard, nakita dito ang sandamukal na mga basura. Nang matapos ang paglilinis ng mga estero, humupa ang baha sa harapan ng senado dakong alas-kuwatro ng hapon. Nakadaan na ng mahusay ang mga behikulo.
Bagamat mas malakas ang bagyong Undoy kaysa sa Carina, hinatak naman ni Carina ang hanging habagat na siyang nagpalakas sa hangin at taglay nitong tubig ulan. Kaya naman lumubog sa tubig ulan ang ilang mababang lugar. Naging catch basin naman ang ilang mga syudad, tulad ng Marikina, Quezon City, San Mateo at maging ang malawak na bahagi ng CAMANAVA.
Nagbigay katiyakan naman ang MMDA at DPWH na magbabago ang lagay ng pagbaha sa kalakhang kamaynilaan pagdating ng Hulyo kung kailan makukumpleto na ang mga itinayong flood mitigation pumping stations sa Taft Avenue, UN avenue at Malate. Inaasahan namang makukumpleto na ang konstruksyon ng mga bagong power facilities para sa mga pumping stations ngayong buwan.
More Stories
AYUDA HINDI NAGAGAMIT SA POLITIKA – DSWD CHIEF
VP SARA IPATUTUMBA MGA MARCOS (PSC nakaalerto)
INA, ANAK NA MAY KAPANSANAN PINAGPAPALO SA ULO NG DRUG ADDICT, PATAY