January 23, 2025

PAGBABALIK SA NORMAL NG BUONG MUNDO, MATATAGALAN PA – WHO

NABABAHALA ang World Health Organization (WHO) na lalong magiging masama ang kalagayan ng mundo dahil sa Coronavirus bunsod nang pagkabigong magsasagawa ng mga nararapat na hakbang ang mga gobyerno.

Sinabi ni WHO director general Dr Tedros Adhanom Ghebreyesus, maraming mga bansa ang nagtutungo sa maling direksyon kung ang pag-uusapan ay tungkol sa paglaban sa COVID-19.

Inihalimbawa nito ang Amerika na naging epicenter ng virus dahil umano sa tensyon sa pagitan nina US President Donald Trump at mga health experts.

Pinaalalahanan din nito ang kahalagahan ng mga pagsunod ng mga health protocols gaya ng paghugas ng kamay, social distancing at pagsuot ng facemask.

Kapag aniya hindi nasunod ang basic na panuntunan ay mas lalong magiging masama ang kalagayan ng virus sa mga bansa.

Dagdag pa nito na mahihirapan pa ang lahat na makabalik sa normal hanggang mayroon pang COVID-19.

“The virus remains public enemy number one, but the actions of many governments and people do not reflect this,” ani Dr Tedros. “If the basics aren’t followed, there is only one way this pandemic is going to go …. It’s going to get worse and worse and worse.”