January 21, 2025

Pagbabakuna ng COVID-19 booster shots sa 3,700 health workers, sinimulan na ng Las Piñas LGU

LAS PIÑAS CITY

Sinimulan na ng Las Piñas City government ang pagtuturok ng COVID-19 booster shots para sa mga health workers sa Nobyembre 20 at 21.

Sinabi ni Mayor Imelda “Mel” Aguilar batay sa records ng City Health Office (CHO),nasa 3,700 health workers na kabilang sa A1 category ay nakaiskedyul na makatanggap ng kanilang booster shots sa ngayong Sabado at Linggo at tanging ang mga nakatanggap lamang ng 2nd dose sa loob ng anim na buwan ang siyang matuturukan nito.

Ayon kay Mayor Aguilar, ang vaccination roll out para sa health workers ay isasagawa sa mga ospital at malls sa lungsod na unang inaprubahan ng Department of Health (DOH).

Ang gagamiting booster shots sa Las Piñas City ay ang Pfizer at Moderna vaccines.

Matapos aprubahan ng  DOH at ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang roll out ng booster shots, agad na inutos ni Mayor Aguilar sa CHO na simulan ang pagbabakuna ng COVID-19 vaccines sa mga  fully vaccinated o bakunadong health workers sa lungsod.

Samantala,nitong Nobyembre 18, nakipagpulong si Vice-Mayor April Aguilar kina CHO Officer-in-Charge Dr. Juliana Gonzales at Immunization Program Coordinator Dr. Eleen Gumpal para alamin ang updates sa vaccination roll out ng mga taga-Las Piñas.

Inalerto rin ng bise-alkalde ang CHO na laging handa sa lahat ng oras habang naghihintay sa mga inisyung guidelines mula sa DOH ukol sa

bakunahan ng senior citizens na nasa A2 category maging sa A3 category (adult with comorbidities).

Bukod rito, inatasan din ni Vice Mayor April Aguilar ang vaccination team  na doblehin pa ang kanilang ipinamamalas na pagtatrabaho upang mahikayat ang mga Las Piñeros na importante na maging isang bakunado o ang fully vaccinated laban sa virus.