December 24, 2024

PAGAWAAN NG PEKENG VITAMINS SINALAKAY NG NBI (Washing machine ginagamit na panghalo)

PINAG-IINGAT ng National Bureau of Investigation (NBI) ang publiko sa pagbili ng mga bitamina o iba pang produkto na ibinebenta sa murang halaga, dahil may posibilidad na peke ang mga ito.

Ayon kay NBI Central Luzon Senior Agent Don Sytel Bati, sinalakay kamakailan lang ng mga awtoridad ang isang bahay sa Arayat, Pampanga na gumawa at nagbebenta ng pekeng vitamins ng mga bata sa loob ng 20 taon.

Nag-ugat ang operasyon matapos isumbong ng dating empleyado ng kompanya ang illegal na aktibidad.

 “We found a way to get a sample because we couldn’t buy from them directly, as they were likely taking precautions. We then verified it with the Food and Drug Administration (FDA),” ayon kay Bati.

Kinumpirma ng FDA na ang naturang kompanya ay hindi nagtataglay ng kinakailangang lisensiya para mag-operate at ang kanilang brand name na Nutrivit-C ay hindi rehistrado.

Sa ginawang pagsalakay, nasabat ng mga awtoridad ang 20 kahon ng pekeng bitamina – na may label at walang label – gayundin ang isang washing machine na ginagamit umano na panghalo ng raw ingredients tulad ng asukal, food coloring at pampalasa upang makagawa ng pekeng vitamins para sa mga bata.

“The washing machine still had orange flavor residue, so it’s clear this is where they were producing the vitamins,” dagdag ni Bati.

Napaulat na ibinebenta ang Nutrivit-C sa halagang P450 at ibinebenta door-to-door, hindi lang sa Central Luzon kundi sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao. Regular na pinapalitan ng kompanya ang pangalan ng produkto at label para lumabas na ito ay bagong brand. “Our advice to the public is to avoid buying vitamins or medicines, especially if the price seems too low, even if they claim to be registered,” ani Bati.

Nahaharap ngayon ang may-ari sa kaso dahil sa paglabag sa Republic Act No. 9711 o ang Food and Drug Administration Act of 2009.