November 17, 2024

Pagawaan ng pekeng dokumento sa Recto sinalakay; 5 arestado

Arestado ang limang katao na sangkot umano sa pagbebenta ng pekeng government documents sa isinagawang entrapment operations sa Recto, Manila.

Ginalugad ng Land Transportation Office (LTO), Philippine National Police (PNP) at Department of the Interior Local and Government (DILG) ang naturang lugar na sikat bilang pagawaan ng pekeng dokumento kung saan nasamsam ang mga pekeng OR/CR, driver’s licenses, land titles, manager’s check, at iba pa.

Napansin ng mga awtoridad na ang mga pamemeke ay katulad ng mga tunay na dokumento.

“Sa hindi expert hindi madetermine kung peke o totoo nagagamit siya sa mga crime pati sa for example sa SIM card,  pag nagre-register sa sim card, di ba valid IDs ang hinihingi ng mga telecom companies natin. Enough na itong fake ids na ito,” ayon kay Police Captain Benjamin Tan, Chief Legal Officer of Special Projects Group-DILG/PNP.

“Nagagamit na siya sa iba’t ibang mga scams. Ang mga victims usually ay ‘yung mga normal natin kababayan na wala naman silang capability na i-verify yung authenticity  ng mga documents,” dagdag pa nito.

Naaresto ang mga suspek matapos alukin ng kanilang serbisyo ang mga undercover operatives sa ikinasang entrapment opetation. “Based on our intelligence and investigation, mayroon sila minsan na mga hard drive din na sinasaksak lang nila. Tsaka lang nila isasalpak yung pangalan pati picture nung nagpapagawa. Pagtapos lang gawin, ipu-pull out lang nila kaya wala ka ng makikita,” dagdag ni Tan.