April 19, 2025

PAGASA: MATINDING INIT SA LUZON, POSIBLENG PAGBAHA AT LANDSLIDE SA MINDANAO NGAYONG BLACK SATURDAY

Nagbabala ngayong Sabado de Gloria, Abril 19, ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na ilang bahagi ng Luzon ay nakararanas ng matinding init, habang ang silangang bahagi ng Mindanao ay posibleng makaranas ng pagbaha at pagguho ng lupa dulot ng mga thunderstorm.

Patuloy pa ring umiiral ang easterlies o ‘yung mainit na hangin mula sa Dagat Pasipiko sa malaking bahagi ng ating bansa. Ngayong araw, magdadala ito ng maulap na kalangitan at mataas na tiyansa ng pag-ulan, pagkidlat, at pagkulog dito sa silangang bahagi ng Mindanao. Kaya’t pinapayuhan po natin ang ating mga kababayan sa lugar na ito na maging maingat sa posibilidad ng pagbaha at landslide,” pahayag ni PAGASA weather specialist Grace Castañeda.

Samantala, sa Luzon naman, nakaranas ng matinding init ngayong Black Saturday. Ayon sa PAGASA:

  • 44°C ang heat index sa Ambulong (Tanauan, Batangas) at Infanta (Quezon)
  • 43°C sa NAIA (Pasay)
  • 41°C sa Quezon City

Ayon sa ahensya, ang heat index na nasa pagitan ng 42°C hanggang 51°C ay nasa kategoryang “Danger”, na nangangahulugang malaki ang posibilidad ng heat cramps at heat exhaustion, at posible ang heat stroke kung matagal na mabibilad sa init.

Sa nalalabing bahagi naman ng bansa, asahan pa rin ang mainit at maalinsangang panahon, lalo na sa tanghali. May posibilidad din ng mga biglaang pag-ulan, pagkulog, at pagkidlat dulot pa rin ng easterlies,” dagdag ni Castañeda.

Sa kabila ng pabagu-bagong panahon, tiniyak ng PAGASA na wala pang binabantayang bagyo o low pressure area sa loob o malapit sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa ngayon.

Sa kasalukuyan, wala tayong mino-monitor na bagyo o low pressure area na maaaring makaapekto sa ating bansa,” ani Castañeda.

Payo ng PAGASA sa publiko:

  • Manatili sa loob ng bahay sa oras ng tindi ng init (tanghali hanggang hapon)
  • Uminom ng maraming tubig upang maiwasan ang dehydration
  • Subaybayan ang mga weather updates gaya ng heat index at local thunderstorm advisory