April 19, 2025

PAG-ISYU NG SAFE CONDUCT PASS SA AMNESTY APLICANT OKS KAY MARCOS

Pinirmahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos ang isang Memorandum Order na nagbibigay ng pahintulot sa National Amnesty Commission (NAC) na mag-isyu ng Safe Conduct Pass (SCP) para sa mga dating combatant na nais mag-apply para sa amnestiya, ngayong Biyernes, Abril 11, sa Maguindanao del Norte.

Sa kanyang naging talumpati, sinabi ni Marcos na ang paglagda sa memorandum order ay patunay ng dedikasyon ng administrasyon sa pagkakaisa at paghilom ng bansa, dahil nagbibigay ito ng daan para sa pagkakasundo sa mga dating rebelde.

Ayon sa kanya, ang ganitong pagkakabaha-bahagi ay nagdulot ng maraming problema at hindi pagkakaintindihan sa pagitan ng mga Pilipino.

“May ilan sa ating mga kapatid, mga kapwa Pilipino, nang dahil sa adhikaing pinaglalabanan ang napilitang tahakin ang landas na taliwas sa batas na ang layunin ay sila’y protektahan at ipagtanggol,” ayon sa Pangulo.

“Ngayong araw na ito, nais kong iparating sa inyo, bukas po ang aming pinto. Kung taos puso ang inyong pagbabago, handa ang pamahalaan na makinig, umalalay at sumuporta sa inyong pagbabalik-loob,” dagdag niya.

Kaya sa pamamagitan ng paglagda sa Memorandum Order, inaasahan ng NAC ang pagdami ng mga aplikante ng amnestiya. Hinihikayat din ng ahensya ang mga dating rebelde na samantalahin ang amnesty program upang tuluyang malampasan ang mga legal na balakid sa kanilang pagbabagong-buhay. (BG)