December 24, 2024

PAG-BAN SA FACEBOOK,
MALAKING KAWALAN
SA PINOY – PALASYO

WALA umanong balak si Pangulong Rodrigo Duterte na i-ban ang operasyon ng Facebook sa Pilipinas.

Pahayag ito ni Presidential Spokesman Harry Roque matapos sabihin ni Pangulong Duterte na kailangan niyang makausap ang pamunuan ng Facebook nang tanggalin ang mga accounts at pages na may kaugnayan sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).

Sinabi ni Sec. Roque, malaking kawalan sa Filipino at Facebook kung mawawala ang operasyon ng social media site.

“Alam ninyo po parehong hindi mabuti iyan sa Facebook at sa Pilipinas, number one po kasi sa buong mundo tayo sa Facebook. So kung mawawala tayo, malaking kawalan po iyan sa Facebook,” ani ni Roque.

“Dahil number one nga tayo, marami ring Pilipinong gumagamit ng Facebook na maaapektuhan din. So ang sabi naman ng Presidente, pag-usapan iyan dahil pare-pareho naman silang sinusulong ang karapatan ng malayang pananalita at iyong malayang merkado ng mga idea,” dagdag pa niya.

Ayon kay Roque  malinaw naman ang apela ni Pangulong Duterte sa Facebook na huwag supilin ang malayang pamamahayag ng mga pabor sa gobyerno.

“Ang kongkretong aksyon po wag supilin ang kalayaan ng malayang pananalita ng mga personalidad o mga pages na pabor sa gobyerno. Kasi ang nangyayari po, kapag laban sa gobyerno, hindi po tinatanggal ng Facebook. Kapag suporta po gobyerno, tinatanggal po.

“Matagal na pong naninindigan ang President sa malayang pananalita. Bakit naman dito sa physical personification ng free market place of ideas e cinecensor kapag kampi po sa gobyerno ang mga postings?”