January 23, 2025

PAG-ASA SA KABILA NG LIGALIG NA DULOT NG PANDEMYA

Muli, isa na naman pong magandang araw sa inyo mga ginigiliw kong mga kababayan. Mga minamahal kong mga ka-Sampaguita. Sana po ay nasa mabuti kayong kalagayan. Nawa’y hindi magmaliw ang di nauubos na biyaya at habag ng ating Panginoong Diyos.

Lubha tayong naparalisa sa loob ng ilang araw, mula nang ipatupad ng pamahalaan ng Enhance Community Quarantine ( ECQ) sa ating bayan. Sa mahigit na tatlong buwang pagkakaratay ng ating kalayaang lumabas o gawin ang ating kinagawian, marami tayong natutunan sa sinapit nating pagsubok. Hindi lamang tayo ang nagdusa sa pandemya, kundi ang ilang bansa din sa mundo.

Naparalisa ang ating mga aktibidad, sinara pansamantala ang ilang establisiyemento, nawalay ang iba sa kanilang mga mahal sa buhay, nagsakripisyo ang kinauukulan— ang mga kapulisan at mga frontliners. Sa gayun ay matiyak nila ang ating kaligtasan.

Sa kabila ng negatibong dulot ng CoViD-19, may ilang bagay tayong natutunan sa buhay. Una, napakahalaga ng kalusugan. ‘Health is wealth’ ika nga. Napakahalaga ng ipong salapi na madudukot sa oras ng kagipitan, ang oras para sa pamilya at sa mga mahal sa buhay— hindi natin kayang mabuhay ng mag-isa at kailangan ang tulong ng ating kapwa. Higit sa lahat, mahalaga ang tulong at awa ng Panginoong Diyos upang tayo ay maligtas sa karamdaman.

Gayunman, may ilan ding magandang bagay na naidulot kahit papaano ang salot. Na sa ating paglalagi sa ating mga kabahayan, nalaman nating maigi minsan ang mapag-isa at natututo ang ilan ng ilang  mga kawili-wiling bagay. Lalo na ang pagtatanim ng halaman sa mga garapon at bote.

Isa pang halimbawa ay positibong dulot sa kalikasan. Kapansin-pansin ang pag-igi ng kalidad ng hangin, lalo na sa mga kalungsuran sa iba’t-ibang panig ng daigdig. Nabawasan ang carbon dioxide sa himpapawid. Naging malinaw ang kalangitan at kaygandang pagmasdan ang asul na himpapawid. Marahil ay dahil sa walang gaanong bumibiyaheng mga sasakyan.

Sa nakalipas na mahigit tatlong buwan, kapansin-pansin ang tiritit ng mga ibon na tila masaya. Wari bagang ini-enjoy nito ang sariwa at malamig sa simoy ng hangin. Pag-Samakatuwid, nakapagpahinga ang kalikasan. Earth is healing ika nga. Higit tayong magpasalamat sa Diyos dahil buhay pa rin tayo at malakas. Natitiyak nating unti-unti ring maisasayos ang lahat kahit nasa estado tayo ng sinasabi nilang ‘new normal’. May pag-asa tayong natatanaw sa gitna ng pandemya. Ang nararapat lamang natin gawin ay manghawak at patuloy na magtiwala sa Panginoong Diyos. Adios Amorsekos.