November 24, 2024

PACQUIAO UMAASANG
SUSUPORTAHAN
NI DUTERTE

Naniniwala si presidential candidate Sen. Manny Pacquiao na siya ang ineendorso ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito’y kahit na sinabi na ni Duterte na hindi siya mage-endorso ng kahit sinong kandidato sa pagkapangulo ngayong 2022.

Ayon sa sariling paliwanag ni Pacquiao sa panayam sa kanya sa Negros Occidental ay ang neutrality ni Duterte ay nangangahulugan na siya ang sinusuportahan ng pangulo.

“Malaking bagay sa akin ‘yon considering may tumatakbong taga-Mindanao. Magaling din ang pangulo eh, hindi rin naman kami magkaaway ng punong pangulo,” ani Pacquiao.

“Kumbaga para niya na rin akong ineendorso no’n nu’ng hindi siya mageendorso ng kandidato,” dagdag niya pa.

Naniniwala rin si Pacquiao na may gusto talagang i-endorso si Pangulong Duterte ngunit hindi niya ito magawa dahil sa anak niya na si vice presidential candidate Sara Duterte.

“Kasi pangit naman kung mag-endorso siya ng kandidato kung ang anak niya vice president ng isang kandidato,” sabi ng pambansang kamao.

“Ang ibig sabihin no’n may gusto siyang iendorso pero tahimik na lang siya dahil ayaw niyang [maipit] ang anak niya,” dagdag pa nito.

Sinabi din ng pambansang kamao na may isang salita ang pangulo at kapag sinabi niya na hindi niya i-endorso ang isang kandidato ay hindi niya talaga ito gagawin.

“Kilala ko si Presidente. Kilala ko, kaibigan ko yan, tumira ako ng Davao eh. ‘Yang si Presidente, pag sabi niya ayaw talaga niya,” sabi pa ni Pacquiao.

Matatandaan na noong nakaraang taon ay sinabi na ni Duterte na hinding hindi niya susuportahan ang kandidatura ni Pacquiao at pati narin ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

I’m just asking for a few more hours at masasabi ko na kung ano ang talagang totoo; sa kampanya sabihin ko kung bakit hindi ako pwedeng magsuporta kay Marcos, ganoon din kay Pacquiao at sa iba,” sabi ni Duterte.

Hindi talaga ako magsuporta sa kanya (Pacquiao). Hindi rin ako magsuporta kay Marcos…” dagdag niya pa.