December 25, 2024

PACMAN, LALABAN SA 2022 PREXY RACE

NAGDEKLARA na si Sen. Manny ‘Pacman’ Pacquiao na lalaban sa Presidential derby sa 2022 matapos tanggapin ang nominasyon ng PDP-Laban sa  ginanap na convention kahapon(Sept. 19).

Kasabay nito, inilabas naman ng Social Weather Station(SWS) ang latest Presidential survey na isinagawa   noong Aug. 21 hanggang 24, 2021.

Sa nasabing survey, bumagsak si Pacman sa ika-5 pwesto na naungusan pa ni Vice-President Leni Robredo.

Namayagpag naman sa number 1 slot si Davao City Mayor Sara Duterte, number 2 si Manila Mayor Isko Moreno at number 3 si dating Sen. Bongbong Marcos, Jr.

Ayon kay Pacman, sawang-sawa na ang mga Pilipino sa mga pangako ng pagbabago ng Duterte administration at  inip na inip na ang taumbayan, nagtatanong kailan matatapos ang kanilang paghihirap.

Nagbanta pa si Pacman na bilang na ang araw ng  mga kawatan sa pamahalaan.

“Sa mga nananamantala sa kaban ng bayan, malapit na kayong magsama-sama sa kulungan. Your time is up. Naghintay kami ng mahabang panahon, ilang dekada ang lumipas pero walang nangyari. Sawa na kami,” ayon pa sa.Senador.

Giit pa ng mambabatas, “panahon na upang manalo naman ang mga naapi. Panahon na para makabangon ang bayan natin na lugmok sa kahirapan. Panahon na ang isang malinis na gobyerno kung saan ang bawat sentimo ay mapupunta sa mga tao”.

Hiningi ni Pacquiao ang suporta ng mga Pilipino para sa pagbabagong inaasam ng bayan.

“Wala pong imposible kung ito ay itinakda ng Panginoon. Samahan niyo po ako, ang anak ng mahirap. Mahirap lang po kami kaya po magsama-sama tayo,” dagdag pa ng Pambansang Kamao. Samantala, wala pang napipiling Vice-Presidential bet si Pacman pero may nakatakdang pag-uusap sila nina Moreno at VP Leni para sa pagbuo ng united opposition.