January 19, 2025

PACIFIC OCEAN TAMBAKAN NG KONTAMINADONG BASURA NG JAPAN

Nagtungo ang mga mangingisda at tagapagtanggol ng kalikasan ngayong araw sa Japanese Embassy sa Maynila para batikusin ang gobyerno ng Japan sa pagtatapon sa Pacific Ocean ng mahigit isang milyong toneladang kontaminadong tubig na ginamit sa pagpapalamig ng plantang nukleyar sa Fukushima.

Lumahok sa protesta ang Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya), Earth Island Institute (EII) at Youth Advocates for Climate Action Philippines (YACAP).

Ang Fukushima Daiichi Nuclear Power Plant ay nawasak noong 2011 matapos ng dambuhalang tsunami na nagpalubog sa malaking bahagi ng syudad.

Sa nagkakaisang pahayag ng tatlong grupo, sinabi nitong “hindi katanggap-tanggap” na basta-basta na lamang nagtatapon ng basurang nukleyar at kemikla ang Japan sa karagatan nang walang pahintulot mula sa mga bansang maapektuhan at kalapit nito.

“Pinapaalalahanan namin ang gobyerno ng Japan na kahit pa pumayag ang gobyerno ng Pilipinas sa pagtatapon ng treated radioactive waste…ay hindi nangangahulugang kumakatawan ito sa kolektibong interes ng mamamayang Pilipino,” pahayag ng Pamalakaya.

Anila, ang mga mangingisda at nagtatanggol sa kalikasan ay lubhang tutol sa hakbang na ito dahil, kahit pa ligtas ito at laluna kung hindi, ay insulto ito sa pambansang patrimonya at soberanya ng kahit anong nagsasariling bansa.

“Hindi natin pwedeng pahintulutan ang ibang mga bansa na ituring ang ating mga katubigan at mayabong na marine biodiversity bilang tapunan ng dumi,” dagdag pa ng grupo.

Nakiisa din ang Pamalakaya sa mga mangingisda ng Japan na direktang maapektuhan ng hindi pinag-isipang plano ng gobyerno nito. Hinikayat din ng mga grupo ang internasyunal na mga organisasyon na magtipun-tipon at ipahayag ang pagtutol dito para ipresyur ang Japan na isuspinde ang pagtatapon ng maruming tubig at maghanap ng ibang alternatibong paraan.

Nauna nang nagpahayag ng pagtutol ang China at Russia sa pagtatapon ng Japan ng kontaminadong tubig sa dagat. Kontra din ang apektadong mga mangingisda sa South Korea.