June 13, 2025

Pacers Bumawi, Tinambakan ang Thunder sa Huling Yugto para Makuha ang 2-1 NBA Finals Lead

INDIANAPOLIS — Hindi nagpapahuli ang Indiana Pacers. Sa kabila ng matinding pressure at inaasahang panalo ng Oklahoma City Thunder, nagpakita ng matatag na resilience ang Pacers sa Game 3 ng NBA Finals, Miyerkules ng gabi (Hunyo 11), sa score na 116-107, upang makuha ang 2-1 lead sa serye.

Pinangunahan ni Bennedict Mathurin ang Indiana sa kanyang 27 puntos mula sa bench, habang muntik namang mag-triple-double si Tyrese Haliburton na may 22 puntos, 11 assists, at 9 rebounds. Tumulong din si Pascal Siakam na may 21 puntos, habang umani ng 49-18 bench point advantage ang Pacers.

“Ganito ang klase ng team namin,” ani Pacers coach Rick Carlisle. “Kailangan lahat handa, dahil hindi laging pareho ang mga taong huhugot ng puntos.”

Sa panig ng Thunder, nagpakitang-gilas si Jalen Williams na may 26 puntos, habang sina Shai Gilgeous-Alexander at Chet Holmgren ay may 24 at 20 puntos, ayon sa pagkakasunod. Nanguna ang OKC ng lima sa pagtatapos ng ikatlong yugto, ngunit bumagsak ang opensa sa ikaapat.

Tanging 18 puntos lamang ang naitala ng Thunder sa fourth quarter habang kinontrol ng Pacers ang laro at pinigil sa 35% shooting ang bisita.

“Mas maraming magandang stretch ang Indiana kaysa sa amin,” ani Thunder coach Mark Daigneault. “At sila ang mas mahusay sa kabuuan ng laro.”

Ang Game 4 ay muling gaganapin sa Indiana ngayong Biyernes ng gabi, kung saan hangad ng Pacers na itulak sa bingit ng elimination ang Thunder.

Stat blast: Ang koponang nananalo sa Game 3 ng NBA Finals kapag tabla ang serye ay nagwawagi sa titulo sa 80.5% ng mga pagkakataon (33 sa 41 beses), ayon sa kasaysayan ng liga.

Bida rin sa bench si TJ McConnell na nagtala ng 10 puntos, 5 assists, at 5 steals — isang rekord sa NBA Finals history para sa isang bench player.

Sa unang pagkakataon mula 2000, muling naglaro ang Pacers ng NBA Finals sa harap ng kanilang mga tagahanga. Kabilang sa crowd ang mga basketball royalty gaya nina Caitlin Clark, Reggie Miller, at Oscar Robertson.

Sa kasalukuyang serye, 1-2 na ang Thunder kapag nangunguna sila papasok ng fourth quarter — isang malaking tanong sa kanilang finishing ability sa isang high-stakes series.

“May mga bagay pa kaming kailangang ayusin,” ani Holmgren. “Lahat ng lumabas sa court ay kailangang galingan pa.”

Advantage, Pacers. (Ulat ni RON TOLENTINO)