January 23, 2025

PABONGGAHAN SA SONA, TINULDUKAN NG COVID-19

NAKATAKDANG muling humarap sa bayan si Pangulong Rodrigo Duterte sa ikalimang State-of-the-Nation Address (SONA) sa July 27, Lunes.

Kinumpirma na ni Pang. Duterte na personal siyang dadalo at magtatalumpati sa kanyang SONA sa Batasan Pambansa sa Quezon City.

Dahil sa COVID-19 pandemic, hindi lahat ng mambabatas, mga bisita at mga opisyal ng gobyerno ay papayagan na makapasok sa Kamara de Representantes.

Base sa pakikipagkoordinasyon sa Presidential Security Group, sinabi ni Senate President Tito Sotto III na 25 katao lang  ang papahintulutan sa Batasan Complex para sumaksi sa SONA 2020 ng Pangulo.

Pero, ano nga ba ang dapat marinig ng taumbayan sa bibigkasing  SONA ng Pangulo?

Sa press briefing sa Palasyo, tiniyak ni Pres’l Spokesperson Harry Roque na pagtutuunang pansin ng Pangulo ang paglaban sa coronavirus disease 2019 at kung papaano makakabangon sa aberya at sigalot dulot ng nakamamatay na sakit.

Kung meron man na positibong epekto ang COVID-19, eto ay ang pinakamatipid at magiging payak na SONA ng Pangulo sa Kongreso.

Hindi na makapagyayabang at maibabandera ng mga Senador, mga Kongresista, mga government official at iba pang bisita ang magagarbo at mamahaling gowns at barong Tagalog na gawa ng mga sikat na local at international couturiers at designers.

Biruin n’yo, milyon-milyong piso rin ang nagagastos ng gobyerno sa taunang SONA ng Pangulo sa Kamara, kabilang na ang mga kasuutan, pagkain ng mga bisita at mga mambabatas, mga security, gas ng kanilang luxury vehicles at mga bulaklak na inilalagay sa session hall.

Bukod pa rito, ang pagpapatahi ng mamahaling gowns at barong Tagalog ng mga opisyal ng gobyerno na dapat ay ilaan na lang sa ibang bagay.

Ngayong panahon ng pandemya, dapat iwaksi na ang ganitong kalakaran sa halip mas makabubuting i-donate na lang ng mga mambabatas at government officials ang budget para sa ayuda sa mga naghihikahos ng Pinoy.

o0o

Ano pa ang gusto nyong marinig na dapat talakayin ng Pangulo sa SONA?

Para kay Senadora Imee R. Marcos, nag-aabang ang mga Pinoy sa kasagutan at aksyon ng Pangulo sa mataas na presyo ng mga bilihin, malawakang sibakan sa trabaho (unemployment),  sobra-sobrang singil sa tubig at kuryente na ipinataw ng Maynilad, Manila Water at Meralco.

Giit ni Marcos, dapat managot ang mga kumpanyang ito sa pang-iipit nila sa mga konsyumer dahil estimate lang ang ginawa nila at hindi base sa actual reading ng mga konsumo ng tubig at kuryente.

o0o

Papaano tutugunan ng Duterte administration ang 7.3-Million Pinoy na nawalan ng trabaho dahil sa COVID pandemic, kasama na ang daan libong Overseas Filipino Workers?

Base sa Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority, tumaas ang unemployment rate sa 17.7 percent o katumbas ng 7.3 million Filipinos na walang trabaho hanggang noong April 2020.

Nakarating din kay Atty. Sonny Matula, chairman ng Nagkaisa Labor Coalition/President ng Federation of Free Workers, report ng DOLE na may 112,000 workers ang nasibak mula sa 4,354 companies na nagsara o nagpapatupad ng lay-offs/retrenchments dahil sa COVID-19 pandemic.

Kaya inihirit nila sa Pamahalaan na maglatag ang gobyerno ng economic recovery package na katumbas ng 10% ng Gross Domestic Product (GDP).

Gusto rin ng NAGKAISA na mabigyan ng P10,000 kada buwan sa bawat obrerong natanggal sa trabaho na hindi pa matukoy kung saan kukunin ang pondo.

o0o

Para kay Senador Joel Villanueva, dapat tugunan ng Pangulo ang pagbangon ng ekonomiya, kawalan ng trabaho, maayos na reintegration ng lahat ng OFWs na apektado ng pandemya, at pagtatalaga ng green lanes sa mga Filipino seafarers para sa pagbabalik nila sa maritime industry sa buong mundo.

Kailangan din anya na maglatag ang Pangulo ng konkretong programa para sa paghahanda ng bawat isa na mag-adjust sa new normal.

o0o

Para sa inyong komento, suhestyon at gusting maging paksa sa kolum na ito, paki-email lang po sa [email protected]