November 5, 2024

PAANO TINUTUGUNAN NI ANGEL LOCSIN ANG BODY SHAMING COMMENT?

Hindi ang mga natatanggap na panlalait sa kanyang biglang pagtaba, ang dahilan ni Angel Locsin kung bakit isinama na nito sa lifestyle ang pagda-diet.

Unang direktang pahayag ito ni Angel o Angelica Locsin Colmenares sa tunay na buhay, mahigit isang taon mula nang pagpiyestahan ang kanyang weight gain.

Ayon sa 36-year-old actress, nakakapagtaka dahil tinalo pa siya ng mga kritiko sa pagiging big deal ng kanyang pagtaba gayong hindi naman ito kabawasan ng kanyang pagmamahal sa sarili.

“Hindi ako nagsasalita kasi, parang ano ang sasabihin ko, iyon yung opinyon (nila) sa sarili ko. Totoo naman, mataba naman talaga ako,” saad nito sa sa YouTube channel ng Over A Glass or Two.

Dagdag nito, “Kung hindi kayo natutuwa sa sarili ko, well, I’m sorry to hear that. But natutuwa pa naman ako sa sarili ko and I know ang kaya kong ibigay. And tanggap ko, I’m a work in progress.”

Hinggil naman sa uri ng kanyang diet sa kasalukuyan, para aniya ito sa kanyang kalusugan at hindi sa kanyang physical looks.

Kuwento ng wife to be ng TV/film producer na si Neil Arce, nagpabakuna kasi siya kontra coronavirus kung saan niya natuklasan na mataas pala ang kanyang blood pressure kaya kailangan niyang bantayan.

Kung maaalala, umabot pa sa pagkakataong na-body shame ang aktres sa isang module ng Department of Education habang may mga nagpalutang sa mga lumang larawan nito kung saan siya ay minsang hinirang na Sexiest Woman in the World ng men’s magazine, at gumanap pa bilang “Darna.”

Umalma naman ang fans nito at iginiit na “inside out” ang kagandahan ni Locsin dahil aktibo ito sa pagtulong sa kapwa.

Ilan lamang dito ang pagiging aktibo sa mga donation campaign, pagpasimula sa online auction ng mga pre-loved items ng celebrities para makalikom ng pera sa mass testing ng pamahalaan, at pinakabago ay ang paglulunsad ng community pantry kasabay ng kanyang birthday.