
INULULAN ng luha at papuri ang huling pamamaalam sa nag-iisang Superstar ng pelikulang Pilipino na si Nora Aunor matapos siyang ilibing nang may full honors sa Libingan ng mga Bayani, Martes ng umaga.
Itinaas sa half-mast ang bandila ng Pilipinas sa Kartilya ng Katipunan sa tapat ng Manila City Hall bilang pagbibigay-pugay sa Pambansang Alagad ng Sining para sa Pelikula at Brodkast.
Pinangunahan ni Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo ang tribute ng lungsod sa yumaong aktres.
“Maraming salamat, Ate Guy, sa sining at pagmamahal na iniukit mo sa kasaysayan ng ating kultura. Habambuhay kang mananatiling buhay,” emosyonal na pahayag ni Mayor Lacuna.
“Paalam, aming Superstar. Saludo kami sa iyo!”
Dumalo rin ang mga opisyal ng Maynila sa necrological service sa Metropolitan Theater, kasama sina National Artist Ricky Lee at direktor Joel Lamangan na nagbigay ng taos-pusong eulogy para sa yumaong bituin.
Bitbit ng mga tauhan ng AFP ang kabaong ni Aunor na binalutan ng watawat ng Pilipinas. Sa saliw ng funeral march mula Heroes’ Gate, inihatid siya sa kanyang huling hantungan.
Si Ate Guy, o Nora Cabaltera Villamayor sa tunay na buhay, ay sumikat mula sa pagiging tindera ng tubig hanggang sa maging alamat sa mundo ng pelikula at musika. Mga pelikulang tulad ng “Himala”, “Bulaklak sa City Jail”, at “The Flor Contemplacion Story” ang nagpamana sa kanya ng hindi matatawarang pamana sa sining Pilipino. (ARSENIO TAN)
More Stories
PROKLAMASYON SA 12 SENADOR, POSIBLE NA SA WEEKEND – COMELEC
DOST Region 1, BPI Foundation matagumpay na naiturn-over ang STARBOOKS sa limang pampublikong paaralan sa rehiyon
LACUNA, NAGPASALAMAT SA MGA MANILEÑO SA PAGKAKATAONG MAGING UNANG BABAE NA ALKALDE NG MAYNILA