June 21, 2025

‘Pa-ihi’ sa La Union bistado ng BOC; P219.5-M smuggled fuel nasamsam

LA UNION – Nasamsam ng Bureau of Customs (BOC) Customs Intelligence and Investigation Services-Manila International Container Port (CIIS-MICP) katuwang ang Philippine Coast Guard (PCG) Task Force Aduana at National Bureau of Investigation-Organized and Transnational Crime Division (NBI-OTCD) ang smuggled fuel na nagkakahalaga ng P219.5 milyon sa La Union Port noong Huwebes, Hunyo 19, 2025.

Ayon sa ulat, isinagawa ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon tungkol sa tinatawag na “paihi” modus — isang ilegal na paraan ng paglipat ng langis mula sa mga barko papunta sa mga lorry truck sa pier.

Nasabat ang motor tanker na “Bernadette” habang isinasagawa ang iligal na transfer ng diesel fuel bandang 9:45 ng gabi. Natagpuan sa motor tanker ang humigit-kumulang 200,000 litro ng diesel, habang ang dalawang lorry trucks na ginamit sa operasyon ay may lamang 19,000 litro at 40,000 litro ng diesel, na may kabuuang 259,000 litro ng smuggled fuel.

Hindi nakapagpakita ng legal na dokumento ang 10 crew members ng motor tanker habang 11 iba pa — kabilang ang mga driver, porter, lookout, at mga kasabwat — ay nadakip din, kaya’t umabot sa 21 ang bilang ng mga inaresto.

Agad nagsimula ang NBI-OTCD sa pagproseso ng mga suspek para sa inquest proceedings. Dumating din ang Philippine Army Security and Escort Battalion upang magbigay ng dagdag na seguridad sa operasyon.

Binigyang-diin ni BOC Commissioner Bien Rubio ang kahalagahan ng pagpuslit ng ganitong uri ng produkto sa ekonomiya at kaligtasan ng publiko.

Sinabi naman ni Deputy Commissioner for Intelligence Group Juvymax Uy na haharap sa mabigat na kaso ang mga sangkot, kabilang ang paglabag sa Sections 117, 1113, at 1401 ng Republic Act No. 10863 (Customs Modernization and Tariff Act) at RA 10963 (TRAIN Law).

Patuloy ang laban ng mga awtoridad laban sa mga sindikato ng smuggling upang maprotektahan ang mga mamamayan at industriya sa bansa.