December 24, 2024

P81K shabu nasabat sa Malabon buy bust

ARESTADO ang dalawang hinihinalang tulak ng ilegal na droga matapos makuhanan ng mahigit P80K halaga ng shabu sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Malabon City, Miyerkules ng madaling araw.

Kinilala ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan ang naarestong suspek na sina alyas Jelan, 22 at alyas Pogi, 47, kapwa residente ng lungsod.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Col. Baybayan na ikinasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang buy bust operation matapos ang natanggap impormasyon hinggil sa umano’y drug activities ng mga suspek.

Isang undercover police ang nagawang makipagtransaksyon ng droga sa mga suspek at nang tanggapin ang marked money mula sa pulis na nagsilbing poseur-buyer kapalit ng isang plastic ng shabu ay agad silang dinamba ng mga operatiba dakong alas-2:00 madaling araw sa kanto ng General Luna at Rodriguez Sts., Brgy. Bayan-bayanan.

Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 12 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P81,600.00 at buy bust money.

Ayon sa pulisya, kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang kakaharapin ng mga suspek.