January 23, 2025

P600-M DOLOMITE BEACH , NAWASH-OUT!

NASAKSIHAN  ng publiko kung papaano na-washout ang “dolomite sands” na itinambak sa Manila bay area

Humigit-kumulang sa 90 tonelada ng mga basura ang tumambad sa mga Pinoy na namamasyal sa gilid ng Manila bay nitong kasagsagan ng pag-ulan dulot ng bagyong Fabian.

Kabilang sa gabundok na basura ay mga single-use plastics, diapers, pet bottles at iba pa na ayon sa MMDA, nagmula sa mga karatig probinsya ng Metro Manila, gaya ng Cavite, Bataan at Bulacan.

Kung walang disiplina ang mga Pinoy sa pagtatapon ng basura at hindi nagpapatupad ang LGUs ng waste management and recycling , darating ang panahon na lulubog na ang Manila bay sa mabahong burak at tambak ng basura.

Sabi ng ilang ka-Agila, nasayang daw ang inilaang pondo ng pamahalaang Duterte sa beautification o rehabilitation ng Manila bay dahil na-wash out lang ito nang malalaking alon dulot ng bagyong Fabian.

Kahit anong “engineering interventions” ang gawin sa Manila bay, hindi pa rin mahahadlangan ang pwersa ng kalikasan. Kasabay ng rehabilitasyon, dapat magkaisa ang mga Pinoy na iwasan ang pagtatapon ng anumang uri ng basura sa estero at ilog.

Sana lang, nai-realign na ang natitirang pondo sa beautification ng Manila bay sa paglaban sa pandemya, partikular na ang pagtulong sa mga mahihirap na tinatamaan ng covid-19.

****

Sa huling State-of-the-Nation address ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, napansin ng publiko ang muntik nang pagtumba nito sa pagbaba pa lang ng chopper at pag-bow nito sa loob ng session hall nitong Lunes ng hapon.

Di maiwasan ang espekulasyon ng ilang kritiko, may sakit ba daw si Pang. Duterte at tila nanghihina sa pagpasok sa plenaryo ng Batasan, pero tila malakas pa sa kalabaw ang Pangulo dahil lumagpas pa sa isang oras ang kanyang SONA.

Ipinagmalaki ni Pang. Duterte ang pagsuko ng libu-libong rebelde sa ilalim ng kanyang administrasyon at inupakan ang  Communist party of the Philippines sa pangunguna ni Jose Maria Sison na kumikita ng milyun-milyong piso pero naghihirap ang kanyang mga comrades sa bansa.

Inatasan naman ng Pang. Duterte si Sen. Bato de la Rosa na silipin ang umano’y pagbili ng AK-47 na ginagamit ng mga security guard ng mga business establishments at maging sa personal na gamit ng ilang personalidad.

Muli namang nagbanta si Pangulong Duterte sa mga drug lords, drug peddlers, suppliers at mga protector sa gobyerno.

“Those who destroy my country I will kill you, Those who will destroy the youth, I will kill you. Papatayin ko talaga kayo!” banta pa ni Duterte.

Inatasan din ng Pangulo ang Task Force Bangon Marawi na madaliin na ang pag-develop sa lungsod na dinurog ng giyera sa pagitan ng gobyerno at ng ISIS-inspired Maute terror group.

“Rebuilding a better marawi remains today still not completed. To task the bangon marawi to fast track rehabilitation of marawi,” nadidismayang pahayag ng Pangulo

Ipinagmalaki rin ng Pangulo ang pagtaas ng infrastructure spending ng 5% at mas marami pang infrastructure ang tatapusin bago siya bumaba sa pwesto sa susunod na taon.

Pinasalamatan din ni Pang. Duterte ang Kongreso na ipinasa ang Rice tarrification law at paggammit sa coco levy fund na halagang P75B na ngayon para sa kapakanan ng coco farmers at pagbangong coconut industry.

Nabanggit pa ng Pangulo ang pag-laban ng pamahalaan sa COVID 19 at sinabing manalangin na lang sa Panginoon kung kelan matatapos ang pandemya na nagpabagsak na sa ekonomiya ng mundo.