December 25, 2024

P6.8 MILYON SHABU NASAMSAM SA CALOOCAN BUY BUST, HVI NA ‘TULAK’ TIKLO

NASABAT ng pulisya sa isang umano’y tulak ng illegal na droga na itinuturing bilang High Value Individual (HVI) ang may P6.8 milyong halaga ng shabu matapos maaresto sa buy-bust operation Sabado ng madaling araw sa Caloocan City.

Kinilala ni P/Maj. Jeradson Rivera, hepe ng District Drug Enforcement Unit ng Northern Police District (DDEU-NPD) ang naarestong suspek na si alyas “Francis” 29, aircon technician sa Block 9 Lot 16 Tanigue St. Samatad Compound, Brgy. 14, Dagat-dagatan.

Sa kanyang ulat kay NPD Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Maj. Rivera na ilang linggo ng minamanmanan ng kanyang mga tauhan ang umano’y illegal drug activities ni ‘Francis’ hanggang sa magawa nilang makipag-transaksiyon sa suspek.

Dakong alas-12:25 ng gabi nang ikinasa ni Maj. Rivera at P/Capt. Regie Pobadora ang buy bust operation, katulong ang Caloocan Police Sub-Station 4 na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek sa loob mismo ng kanyang bahay matapos bintahan ng P8,000 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer.

Nasamsam sa loob ng tirahan ni ‘Francis’ ang humigi’t kumulang 1,000 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P6,800,000.00, buy bust money, plastic na supot na may Chinese character at isang bag na itim.

Sasampahan ng pulisya ng kasong paglabag sa Section 5 at 11 sa ilalim ng Artilce II ng R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act ang suspek sa Caloocan City Prosecutor’s Office.