NAGPAHAYAG ng pangamba ang isang commuters group hinggil sa posibleng pagsipa sa P50 ang minimum fare sakaling ipatupad ang Public Utility Vehicles (PUV) Program.
Ayon kay Julius Dalay, chairman ng Commuters of the Philippines Group, may posibilidad na umabot sa P50 ang pasahe sa jeep kapag ipinagpatuloy ng gobyerno na palitan ng modernong PUVs ang tradisyunal na jeep.
“Hindi malabo na mag-P50 at kung mag P50 siyempre aray ‘yun. Ano na kaibahan mo sa bus, sa LRT o MRT. Lahat na lang nagtataasan. ‘Yun ang masakit sa bulsa lalo na yung jeep na inaasahan ng masa pagdating sa mura,” ayon kay Dalay.
Sinabi pa ni Dalay na mabigat ang epekto sa pasahe ng PUV Modernization Program (PUVMP) na isinusulong ng pamahalaan dahil na rin sa mataas buwanang hulog sa mga modern jeepneys na planong angkatin ng gobyerno mula sa bansang China.
Base sa mga naunang ulat, naglalaro sa P2.3 hanggang P2.8 milyon ang halaga kada unit ng tinaguriang “modern jeepney.”
Para kay Dalay, hindi biro ang pasakit na papasanin ng mga pangkaraniwang manggagawa at mag-aaral sa pagpunta sa trabaho at paaralan.
Paglilinaw ng grupo, hindi anila sila tutol sa modernisasyon kung hindi nakakaapekto sa hanay ng mga pasahero.
Gayunpaman, pinawi ng Department of Transportation (DOTr) ang agam-agam ng grupo, kasabay ng pagbibigay-katiyakan na hindi mangyayari ang pinangangambahang pagsipa sa pamasahe ng mga pasahero.
Ayon kay DOTr Undersecretary Timothy John Batan, kailangang sumailalim muna sa proseso ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagtaas ng pamasahe.
“Atin pong binibigyan ng paalala ang atin pong mga commuters, iyong mga naririnig po natin na magkakaroon po ng 300 to 400% na increase ay wala pong batayan at hindi po inaasahan ang ganitong taas-pasahe sa consolidation at PUV Modernization Program,” pahayag ni Batan.
Magbibigay din aniya ng tulong ang gobyerno sa mga operator na apektado ng PUVMP.
More Stories
CUSTOM BROKER, 2 IBA PA HINATULAN NG HABAMBUHAY NA KULONG DAHIL SA DROGA
DISMISSAL NG BUS DRIVER NA SANGKOT SA MARAMING AKSIDENTE, PINAGTIBAY NG SC
177 SENATORIAL ASPIRANTS ‘NUISANCE’ CANDIDATES – COMELEC