November 19, 2024

P50 DAGDAG-SINGIL NG GLOBE TELECOM SA LATE PAYMENT, IBASURA

PINUNA ni Bayan Muna Chairman Neri Colmenares ang Globe Telecom sa planong magpataw ng multa sa mga post paid na subscriber na maaantala sa pagbabayad. Ito ay sa kabila ng pagkamal ng kumpanya ng bilyun-bilyong kita noong nakaraang taon. Inianunsyo ng kumpanya na simula Disyembre, maniningil na ito ng ₱50 multa sa gumagamit ng serbisyong mobile postpaid, broadband postpaid at Platinum na hindi makapagbabayad sa takdang oras.

“Sumosobra naman na ata ang pagkaganid sa tubo ng Globe Telecom maski hirap na hirap na ang mga Pilipino sa taas ng bilihin ngayon. Di pa ba sapat ang kinita nilang ₱175 bilyon noong 2022?” bwelta ni Colmenares. Aniya, bakit kapag mayroong problema sa serbisyo ng Globe na nagtatagal minsan ng ilang araw ay wala man lang bawas sa buwanang bayarin ng mga subscriber, “tapos ngayon ay maniningil ng multa?”

Giit ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Rep. France Castro, dapat bawiin ng Globe ang planong pagpapataw ng multa. Aniya, hindi na ngayon luho ang internet at komunikasyon sa selpon kundi isang pangangailangan…isa itong pampublikong yutilidad na dapat ay pangunahin para sa kagalingan ng publiko at hindi tanging para sa kita.

“Hirap na nga ang mga pamilya, dadagdagan pa ng ganitong bayarin. Kaugnay nito, hinihiling ko ang Senado na pabilisin ang kanilang bersyon sa Comittee Report 736 para sa mga kumpanya sa telecom at internet para bigyan ng refund ang mga subscriber na naaapektuhan ng pagkaputol at pagkawala ng serbisyo,” ayon pa kay Rep. Castro.

Ganito rin ang hiling ni Colmenares. Aniya, “dapat maging maunawain ang Globe sa kanilang mga subscriber at ibasura ang multa na ito. Ayusin din nila ang serbisyo nila kesa puro kita at tubo ang inuuna.”